Ligtas pa sa AH1N1 ang Romblon
Nina Christian Mortel at Carl Jonas Opiana
“Walang kumpirmadong kaso ng AH1N1, kahit suspected case wala tayo,” ito ang pahayag ni G. Ralph N. Falculan ng Provincial Health Office tungkol sa napapabalitang pagkakaroon ng positibong kaso ng AH1N1 sa probinsiya.
"Mga ordinaryong influenza lamang ang meron tayo na minsan ay inaakalang AH1N1 flu. Pansariling panlunas lang ang kailangan dito tulad ng personal hygiene. Sa mga may sintomas, yung mga binabantayan lamang namin ay yung mga high-risk patient kagaya ng mga buntis o may mga malubha o kumplikadong karamdaman. Huwag kayong maniwala sa mga bali-balita lalo’t higit kung walang basehan ang mga ito. Tayo lamang ang wala pang naitatalang kaso ng AH1N1 sa MIMAROPA kaya ligtas pa ang Romblon," dagdag pa niya.
Mas mabahala pa raw dapat ang mga tao sa nakamamatay na dengue dahil may ilang kaso ng naitala dito sa ating probinsya.
Bagama’t ligtas pa ang Romblon sa ngayon, preparado naman daw ang pamunuan ng Romblon Provincial Hospital kung sakaling may magpositibo sa naturang sakit. Nagsanay at nakahanda na ang mga doktor pati na rin ang mga kagamitan tulad ng mga gloves, masks at ang mga swabs galing pa sa Research Institute for Tropical Medicine sa Alabang. Nagsagawa na rin ng kampanyang Iwas AH1N1 ang mga health center ng probinsya. Ito’y sa pamamagitan ng mga information campaign. Ayon sa mga nurse na nakatalaga sa Health Center ng Odiongan, may programa ang lokal na pamahalaan na Barangay Health Emergency Response Team Service. Minomonitor at inaalam ng pangkat ang kalusugan ng mga taong pumapasok ng probinsya sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga survey form.
“Ang ating probinsya ay hindi na naghihintay pa na makapagtala ng kaso ng AH1N1. Gumagawa na tayo ng mga paraan upang hindi na umabot pa ang sakit na ito dito sa atin,” komento ng Information Officer sa Opisina ng Gobernador .
Ayon naman kay Dr. Rembert S. Chavez, Medical Officer III ng RSC, ”Walang dapat ipangamba sa naturang sakit. Kailangang panatalihin lang nating laging malakas ang ating resistensya.”
Matatandaan na ang AH1N1 na isang malakas na strain ng swine flu virus ay naging malaking pangamba sa lahat ng tao sa mundo at maging sa Pilipinas dahilan upang maurong ang pagbukas ng mga eskwelahan noong nakaraang Hunyo. Batay sa pinakahuling tala ng World Health Organization nitong nakaraang Hulyo, umaabot na sa 162,380 katao kumpirmadong may AH1N1 at 1,154 na ang namatay sa iba’t ibang panig ng mundo dahil dito.
0 comments:
Post a Comment