Showing posts with label Features: Academe. Show all posts
Showing posts with label Features: Academe. Show all posts

Sunday, October 25, 2009

RSC, University na!

nina Jeofel M. Almoheda at Rocky Lee F. Moscoso



Nilagdaan na nga ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang Republic Act 9721 o mas kilala sa Romblon State University Law noong Oktubre 14, 2009 sa Reception Hall ng Palasyo ng Malakanyang.

Sa isang panayam sa lokal na radyo, masayang ibinalita ni Dr. Jeter S. Sespeñe sa mga Romblomanon ang ganap na kumbersiyon ng Romblon State College sa Romblon State University. Ganundin naman ay ipinaabot din ng Kinatawan ng probinsiya, Cong. Eleandro Jesus “Budoy” Madrona ang kanyang kasiyahan at pagbati sa lahat Romblomanon sa pagtatagumpay ng pangarap na ito. Sila ang mga malalaking tao sa likod ng tagumpay na ito. “Parang ngayon ko pa nga lang naramdaman ang pagod, “ ayon pa sa kay Dr. Sespeñe.

Sa isang artikulo sa broadsheet issue ng The Harrow (RSC to RSU, sigurado na!) na kalalabas pa lamang, tinalakay ni kasamang Kin Fajiculay ang mga simulain ng kumbersiyong pang-unibersidad. Isinalaysay niya ang mahabang paglalakbay ng HB 3265, HB 1201, HB 5217 at SB 3079 sa kongreso at senado hanggang sa makarating nga ito sa Malakanyang. Naroon din ang listahan ng mga mambabatas na tumulong upang isulong ang panukalang batas na ito sa plenaryo.

Ngayong ganap na ngang unibersidad ang RSC, maraming inaasahang pagbabagong mangyayari ang taumbayan kagaya na lang ng pagbubukas ng mga panibagong kurso at pagpapasaayos ng mga pasilidad. Hinimok naman ng Pangulo ang mga propesor ng kolehiyo na patuloy na magpakadalubhasa sa pamamagitan ng pagkuha ng mga kurso sa Master at Doktoral upang patuloy na tumaas ang antas ng edukasyon sa pamantasan.
Kaugnay ng kumbersyong ito, isang misa ng pasasalamat ang ipinagdiwang noong Oktubre 19 sa Gymnasium ng unibersidad. Nag-alay ang mga guro at empleyado ng panalangin ng pasasalamat sa katuparan ng pangarap na ito.

Ayon kay Fr. Jose Falogme, ang paring nagdala ng misa, “We acknowledge that it is not of our own efforts that this college has been converted into a university. It is God who made all these possible. And it is but proper that we bring back all the glory and praises to Him!”

RSU San Andres Campus, nakiisa sa pasasalamat

Kasabay namang nagdiwang ng Main Campus ang Tablas Branch San Andres Campus kung saan ay nagkaroon sila ng Thanksgiving mass at parada sa buong bayan ng San Andres noon ding Oktubre 19.

Masiglang inikot ng RSU family sa San Andres ang buong bayan kung saan kanilang isinigaw ang ‘Mabuhay RSU!’ kasabay ng malakas na drumbeats ng RSU San Andres DMC. Sinundan ang kanilang mass ng isang Caravan at Trip sa RSU Agpudlos. Lubos din ang pasasalamat ng mga San Andresanon kina Cong. Madrona at Dr. Sespeñe sa malinaw na katuparan ng kanilang pangarap – isang tunay na unibersidad..

Taliwas sa napapabalitang ang main campus lamang sa Odiongan ang magiging unibersidad, malinaw na nakasaad sa RA 9721, Sek.1 ang ganito ‘The Romblon State College in the Municipality of Odiongan, Province of Romblon is hereby converted into a state university to be known as the Romblon State University, hereinafter referred to as the University integrating therewith the satellite campuses in the municipalities of San Fernando, Cajidiocan, San Agustin, Romblon, Calatrava, San Andres, Santa Fe and Santa Maria.’

Madrona: Kabataang Romblomanon, Matalino ka!

Lubos na pinasasalamatan ng masang Romblomanon ang Congressman para sa patuloy na pagseserbisyo publiko. Siya ngayon ay tinataguriang ‘Ama ng RSU’ kung paanong si dating Assemblyman Jun Ganan noon ang tinaguriang ‘Ama ng RSC’.

Prayoridad mismo ni Cong. Madrona, ang representante ng mga Romblomanon sa Kamara, ang aspetong edukasyon dito sa Marble Capital of the Philippines. Sinimulan niyang isulong ang conversion noon pang 1992 sa pamamagitan ng HB 3265 ngunit hindi ito pinalad na maging RA. Kaya nang mahalal muli bilang Congressman noong 2007, nagsumite siya uli ng HB 1201. Naging maayos ang agos nito sa kongreso, inamendahan at naging HB 5217. Ang HB 5217 ay matagumpay na aprubahan sa mababang kapulungan at ang counterpart nito sa Senado na Senate Bill No. 3079 ay parehong pumatok at naaprubahan din.

Mula noong Agosto, positibong nang naghihintay ang mga Romblomanon, pangunahin na sina Madrona at Sespeñe, sa pirma ni PGMA upang maging ganap na RA ang HB 5217. Ganun na nga ang nangyari nang pormal na lagdaan ng pangulo ang HB 5217 sa Ceremonial Signing sa Malacañang nito lamang Oktubre 14 ganap na 1:25 sa hapon at isinilang ang Romblon State University sa bisa ng RA 9721.

Si Madrona ay matagal ng katuwang ng estudyanteng Romblomanon sa edukasyon. Ilan sa kanyang mga programang pinakikinabangan ng mga kabataan ay ang Congressional Scholarship para sa mga masisipag na estudyante ngunit salat sa pera at ang Bayang Matalino Valedictorian Incentive Project (BMVIP) upang mabigyan ng tulong pinansyal ang mga brilyanteng kabataan na grumadweyt sa elementarya at hayskul na valedictorian. Sa kasalukuyan ay may 13 BMVIP scholars at daan-daang Congressional scholars sa RSU

Ngayong Romblon State University na

Hindi pa tapos ang pakikibaka ng mga Romblomanon. Ang pagiging RSU ay nangangahulugan ng panibagong hamon sa bawat Romblomanon upang masapatan at ma-comply ang requirements ng CHED. Ayon kasi sa RA 9721, Sek. 22, ‘The CHED shall conduct regular monitoring and evaluation to determine continuing compliance with the requirements on university status. In the event that the commission finds that the university does not maintain compliance thereof, it shall submit the appropriate recommendation for the revocation of the university status to the senate’.

Sa kabilang banda, pinatunayan ng RSU ang pagiging unibersidad nang muling makarekord ng 83% passing percentage sa Certified Public Accountants Licensure Examination (CPALE) ngayon lamang Oktubre. Lima ang bagong CPAs ng unibersidad na sumungkit ng mataas na passing rate kumpara sa national na 42%. Ang CPALE ay isa sa pinakamahirap at pinakamahabang board exams sa bansa at ang BS Accountancy program sa unibersidad ang may pinakakaunting estudayanteng nakakasurvive. Isang pagbati ang pinapaabot ng pamunuan ng Harrow kina Katherine F. Aldaya, Rex F. Catipay, Shiela Buen F. Faigao, Gay T. Famero at Erwil M. Roda.

Ganundin naman, lumabas din ngayong Oktubre ang resulta ng Mechanical Engineering Board Exam kung saan dalawa sa mga pumasa ay mula sa unibersidad. Taos puso ang pagbati ng pamunuan ng Harrow sa kanilang dating patnugot na si Ronel F. De la Rosa at ang kasamahan nitong si Rolyn F. Feudo.

Samantala, inaasahang ang RSU ang magbubukas ng pinto para maialok ang Nursing, Abogasya at iba pang kurso dito sa Heart of the Archipelago.

Patuloy namang inaasahan na ang RSU ay makapagprodyus ng mas maraming globally competitive graduates. Ngayong susunod na semestre o sa susunod na taon, inaantisipa ring tataas ang bilang ng magsisi-enrol at ang pagdami ng bilang ng mga propesor na may mga master’s at doctor’s degree.

Ang bumubuo ngayon sa RSU Board of Regents ay sina Hon. Nenalyn Defensor, CHED Commissioner, bilang Chairperson, at Hon. Jeter Sespeñe, kauna-unahang RSU President, bilang Vice Chairman. Ang mga member naman ay sina Sen. Mar Roxas, Rep. Cynthia Villar, Hon. Oskar Balbastro, Hon. Ma. Josefina Abilay, Hon. Antonio Gerundio, Hon. Jim Fondevilla, Hon. Teofilito Rufon, Hon. Venizar Maravilla, Hon. Orley Fadriquel, Hon. Rachel Tagalog at Prof. Nelson Fedelin, ang College Board Secretary.

Ang RSC Science High School

Samantala, bunga ng pagiging RSU ng RSC ay ang napipintong paglipat ng Science High School sa pamunuan ng Department of Education (DepEd) ayon na rin sa probisyon ng RA 9721, Sek. 3, ‘the existing high school shall be transferred to the jurisdiction and supervision of the Department of Education (DepEd): Provided, that the high school shall be allowed to remain and operate within the campus of the University until its students, who are currently enrolled shall have completed their high school education.’ Naipatupad na ang probisyong ito sa ilang mga campus ng unibersidad.

Ganunpaman, binanggit din sa batas na maaring mapanatili pa rin ang isang laboratoy high school na meron lamang limitadong bilang kapag ang unibersidad ay mayroon namang College of Education.

Pagtaas ng matrikula, pinangangambahan

Kinatatakutan naman ng maraming estudyanteng Romblomanon, lalo na ng mga mahihirap na magulang, ang umano’y napipintong pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin bunga ng kumbersyon. Gayunpaman, nilinaw ni Prof. Nelson Fedelin, ang University and Regent Secretary, na hindi karakara’y magtataas ang matrikula. Hindi basta-basta ang tuition fee increase dahil dadaan pa ito sa Board of Regents at konsultasyon sa mga estudyante. Ayon pa sa kanya, hindi dahil RSU na ang RSC ay kaagad-agad na magtaas ng matrikula. Idiin niya sa huli na walang pagtaas ng matrikula.

Ang Romblon State University ngayon ang nag-iisang unibersidad sa lalawigan at ang ikatlong unibersidad sa Region 4-B MIMAROPA kasunod ng Palawan State University at Western Philippine University.
Read more...

Wednesday, September 16, 2009

CEGP: Hulmahan nga ba ng mga Rebelde?


Nakakalungkot isipin na dahil lamang sa isang kapirasong papel at sa ilang grupong mababaw ang kaalaman sa simulain ng CEGP, ito ay nababansagang "breeding ground" ng mga CPP-NPA. Ano ba ang rebelde? Rebelde bang matatawag ang nag-aadhika ng isang bayang tunay na malaya? Rebelde bang matatawag ang mga kabataang ang layunin ay mapukaw ang panlipunang kamalayan ng mga estudyante? Ang puso ng demokrasya ay ang kalayaan sa pamamahayag. Kung ang kalayaang ito ay tatabunan ng mga mala-pantasyang papuri at balita at kokontrolin ng mga awtoridad, ano pa ang halaga nito?

Ano nga ba ang CEGP? Ano ba ang mga simulain nito? Basahin ang kanyang makulay na kasaysayan.

Ang Kasaysayan ng College Editors Guild of the Philippines
(1931-2001)

Sa pagdiriwang ng ika-70 taon ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP), mahalagang balikan ang kasaysayan nito upang paghalawan ng insipirasyon at aral. Ang paggunita sa nakaraan ay pagtingin din nang pagsulong.

Itinatag ang College Editors Guild (CEG) noong Hulyo 25, 1931, mismong kaarawan ni Ernesto Rodriguez Jr., punong patnugot ng National, publikasyon ng National University. Kabilang ang mga pahayagang pangkampus Philippine Collegian (UP Diliman), Varsitarian (University of Santo Tomas) at Guidon (Ateneo de Manila University), layunin nitong pagkaisahin ang lahat ng manunulat pangkampus at linangin ang kanilang kakayahan sa pamamahayag. Nahalal na unang tagapangulo si Wenceslao Vinzons, punong patnugot ng Philippine Collegian.

Tradisyonal na organisasyon ang CEG noon. Eksklusibo ang kasapian sa mga patnugutan ng mga publikasyon. Abala ito sa mga journalism trainings, intercollegiate pageants, relief operations sa mga nasalanta ng kalamidad.

Gayunman, sa maagang bahagi pa lamang ng kasaysayan, makikita na ang potensyal na papel nito sa lipunan. Noong Disyembre 9, 1932, sa pangunguna ni Rodriquez at Vinzons, tinutulan ng mga kabataang manunulat ang panukalang dagdagan ang sweldo ng mga mambabatas sa mababang kapulungan.

Mabilis na lumawak ang kasapian ng CEG. Kinilala ito bilang isa sa mga pinakaprestihiyosong organisasyon ng kabataan. Nagsilbi itong tuntungan ng mga kabataang nagnanais makilala sa larangan ng politika at pamamahayag.

Noong 1941, pansamantalang tumigil ang operasyon ng Guild dulot ng Ikalawang Gyerang Mundyal. Si Vinzons ay sumapi sa HUKBALAHAP at namatay na bayani.

Nanumbalik ang CEGP pagkatapos ng giyera. Naitala noong 1948 ang pakikiisa ng Guild sa mga mamamahayag sa mainstream media. Sinuportahan ng manunulat pangkampus ang strike ng mga empleyado ng Evening News bilang protesta sa pagpapatalsik kay Cipriano Cid at panawagang kilalanin ang Philippine Newspapers Guild.

Pagsapit ng dekada singkwenta, malaki ang naging impluwensya ng makabayang ideya ni Claro M. Recto sa maraming kabataan. Pagsapit ng dekada sisenta, bunsod ng matinding krisis pampolitika at pang-ekonomiya sa panahon ni Marcos at ng lumalakas na kilusang kabataang estrudyante, nagkaroon ng malaking puwang ang progresibong ideya sa loob ng organisasyon.

Hindi naging banayad ang transpormasyon ng CEGP mula sa isang tradisyonal na organisasyon patungo sa pagiging progresibo. Sa katunayan, naging maigting ang pagtatalo sa hanay ng kasapian.

Mananatili bang nyutral ang pamamahayag pangkampus sa panahon ng maigting na paglaban ng mamamayan? Mananatili bang tagapagtala na lamang ng kasaysayan ang mga manunulat o kailangan nang pumanig at makilahok? Ano ang papel ng kabataang mamamahayag sa lipunan? Sa mga katanungang ito uminog ang debate.

Pagsapit ng 1970, lalong tumitimbang ang progresibong oryentasyon ng Guild. Dumaluyong ang kilos protesta sa lansangan. Maraming manunulat pangkampus ang lumahok ang nagpakilos sa mga malakihang mobilisasyon sa panahon ng First Quarter Storm. Hindi iilang Guilders ang naging kasapi ng Kabataang Makabayan.

Tumining ang papel ng pamamahayag pangkampus bilang alternatibong pamamahayag para sa mamamayan. Sa panahon ng paghahari ng crony press, maraming publikasyong pang-estudyante ang nagpapalaganap ng katotohanan sa labas ng kani-kanilang pamantasan. Ang kabulukan ng gobyernong Marcos na hindi nababasa sa mainstream ay isiniwalat ng mga pahayagang pangkampus. Dahil dito, binansagan ni Marcos na mosquito press ang mga publikasyon.

Naglathala rin ng mga rebolusyonaryong artikulo ang mga publikasyong pang-estudyante. Unang lumabas ang Lipunan at Rebolusyong Pilipino sa Philippine Collegian. Nagre-reprint ng mga artikulo mula sa Ang Bayan, opisyal na pahayagan ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang The Bedan (San Beda College), Guidon, Philippine Collegian, Ang Malaya, at iba pa.

Sa Visayas, inilathala ang mga sulatin ni Jose Maria Sison, Renato Constantino Sr., Gary Olivar (lider ng Samahan ng Demokratikong Kabataan) sa Weekly Silimanian (Siliman University), Weekly Carolinian (University of San Carlos), Sambayanan (Western Institute of Technology), Quill (Southwestern University) at marami pang iba.

Sa pagkakahalal ni Antonio Tagamolila bilang pambansang tagapangulo noong 1971, buong pagmamalaki niyang ipinahayag, “Ang pagkakapanalo ng mga progresibo ay magbubunsod ng isang bago, mulat matatag at militanteng CEGP.”

Tuluy-tuloy na ang naging pagkiling ng CEGP sa isyu ng mamamayan. Hindi lamang isyu ng kalayaan sa pamamahayag ang itinaguyod ng Guild bagkus pati patriyotiko at demokratikong interes ng malawak na mamamamayan. Kinondena ang pagpapapain ni Marcos ng mga sundalong Pilipino sa giyera sa Byetnam. Tinutulan ang pakanang Constitutional Convention ni Marcos. Nilabanan ang pandarahas sa mga piketlayn at militarisasyon sa kanayunan.

Masigla ang paglulunsad ng teaching o study circles, social investigation at pakikipamuhay sa mga magsasaka at manggagawa. Sa ganitong konteksto, inangkin ng mga kasapi ng CEGP ang pakikibaka ng mga aping sector ng lipunan.

Nang ipataw ang Batas Militar, idineklarang ilegal ang CEGP. Naipasara ang halos lahat ng publikasyon sa kampus. Sa militanteng paglaban ng kabataang estudyante, nabuksang muli ang Philippine Collegian, Guidon at UPLB Perspective (UP Los Baños). Sumailalim ang mga ito sa pagmamatyag ng militar.

Sa panahon ding ito, nagsulputan ang mga underground student publications sa buong bansa. Naging tangyag ang pasa-bilis. Palihim na binabasa at pinagpapasa-pasahan ang limitadong kopya ng mga publikasyong naka-mimeographed. Matapang na tinuligsa ng mga ito ang lagim ng Batas Militar.

Maraming manunulat pangkampus ang dinampot, ikinulong, tinortyur at pinaslang. Kabilang sa kanila sina Liliosa Hilao at Ditto Sarmiento. Sa lantarang pasistang paghahari ni Marcos, marami ring nagtungo sa kanayunan upang lumahok sa armadong pakikibaka. Ilan sa kanila sina Emmanuel Lacaba (Guidon), Evelyn Pacheco (Torch, PNU) at Lorena Barros (Advocate, FEU).

Sa ikalawang bahagi ng dekada sitenta, muling sumigla ang ligal na pakikibakang masa sa pangunguna ng uring manggagawa. Pumutok ang La Tondeña strike na sinundan ng serye ng welga, boykot at protestang lansangan.

Naging inspirasyon ito sa muling pagtatatag ng CEGP. Itinayo ang Mendiola Association of College Editors (MACE) na nagpasimuno ng First Metro Manila Student Press Congress. Sa sumunod na mga buwan, tumugon din nang buong sigasig ang ibang mga rehiyon sa buong kapuluan. Naganap ito mula 1977 hanggang mailunsad ang 16th National Congress na dinaluhan ng 125 patnugot mula sa 43 publikasyon noong Mayo 1981. Ang tagumpay ng ito ay bunga ng walang humpay na pag-oorganisa sa hanay ng manunulat pangkampus.

Ibayo ring sumigla ang kilusang kabataang estudyante. Puspusang itinaguyod ang mga lehitimong kahilingan ng estudyante. Pinamunuan ng CEGP, kasama ang Youth for National Democracy (YND) at Alyansa Laban sa Pagtaas ng Matrikula (League of Filipino Students ngayon), ang kampanya sa pagpapabukas ng mga pahayagang pangkampus at konseho ng mga mag-aaral at pagtatanghal ng military detachments sa mga kampus.

Tinaguriang Democratic Reform Movement ang pagkilos na ito. Sa mga punong lungsod at lalawigan, kumilos ang mahigit sa 200,000 kabataan. Hindi natinag ang mga estudyante kahit pa karahasan ang isinagot ng gobyerno.

Ilang buwang walang pasok dahil nasa lansangan ang mga estudyante. Napilitan ang gobyernong harapin ang isyu at kilalanin ang mga lehitimong panawagan ng kabataan. Dumagundong ang tagumpay na ito sa buong kapuluuan. Napatunayang sa kolektibong pagkilos at paggigiit ng demokratikong karapatan, makakamtan ang mga makatarungang kahilingan ng kabataan at mamamayan.

Mariin ding kinondena ng CEGP ang mga atake sa kalayaan sa pamamahayag. Ilan dito ay ang pagkakasara ng We Forum at pag-aresto sa mga mamamahayag nito na karamihan ay alumni ng Guild; ang pag-uusisa ng National Intelligence Board sa manunulat ng Women; ang pagpapatalsik sa patnugot ng Tempo na si Recah Trinidad; mga kasong libelo laban kay Domini Suarez at Ceres Doyo at pag-aresto kay Tony Nieva ng Bulletin Today.

Matindi rin ang panunupil sa mga pahayagang pangkampus. Tatlong ulit na niloob ang opisina ng UPCB Outcrop. Binisita ng militar ang tanggapan ng The Work ng Tarlac State College of Technology. Pinatalsik ang mga patnugot ng Collegian ng Central Luzon State University sa rekomendasyon ng militar na nakabase sa Nueva Ecija.

Pagsapit ng 1983, ibayong militansya ang ipinamalas ng kabataan mula nang paslangin si Ninoy Aquino hanggang sa pagbagsak ng diktaduryang Marcos.

Ang pag-aalsa noong 1986 ay nagluklok kay Corazon Aguino bilang bagong pangulo. Tiningnan si Aquino bilang isang pinunong liberal burges. Nalunod sa makitid na demokratikong puwang at nabulid sa pagtataguyod ng reporma ang maraming progresibong organisasyon, kabilang na ang CEGP.

Nanawagan ang CEGP sa pagpapatupad ng isang batas na umano’y magtataguyod ng kapakanan ng mga pahayagang pangkampus. Pinuri ang Republic Act 7079 o Campus Journalism Act bilang “milestone in the history of the campus press.”

Kabaligtaran ang naganap sa aktwal. Naging epektibong instrumento ang CJA ng mga kaaway ng kalayaan sa pamamahayag sa pagsupil sa mga pahayagang pangkampus. Matapos ilabas ang implementing guidelines, naipasara ang Quezonian, White and Blue, Ang Pamantasan, Blue and Silver, at iba pa. Kung susundin ang probisyong nagsasaad na hindi mandatory ang pangongolekta ng publication fee, maipapasara ang halos lahat ng publikasyon kung nanaisin ng administrasyon ng mga pamantasan.

Nakaligtaan ng CEGP ang mga aral ng DRM. Ang kalayaan sa pamamahayag ay isang demokratikong karapatan. Iginigiit ito at ipinaglalaban, hindi ikinukupot sa batas.

Iwinasto ang kamaliang ito sa 1996 National Council Meeting. Dito rin nabuo ang tatlong makatwirang panawagan ng CEGP: (1) Buksan ang lahat ng nakasaradong pahayagan; (2) Magtatag ng mga publikasyon sa mga pamantasan; at (3) Wakasan ang lahat ng porma ng panunupil sa kalayaan sa pamamahayag.

Bukod sa CJA of 1991, may isa pang malubhang pagkakamali ang CEGP noong 1991. mula sa patriotiko at demokratikong oryentasyon ng Guild, binago ito sa pagiging Activist Campus Press. Ang ACP raw ay tinipong mga konsepto at oryentasyon – responsible journalism, radical campus press, alternative campus press, committed campus press. Layunin daw ng ACP na hanapin ng pamamahayag pangkampus ang kanyang sarili bago ito makapag-ambag sa pagbabago ng lipunan. Ipinagkamali nitong maaaring makamtan ang tunay at ganap na kalayaan sa konteksto ng bulok na sisteman panlipunan.

Paglaon nakitang mali ang mismong paghahanap ng bagong oryentasyon. Nasagot na ang mga batayang tanong hinggil sa tamang ugnayan ng pamamahayag pangkampus sa lipunan noon pa lamang 1970.

Nang mailatag nang lubusan ang mga naging kahinaan, puspusan din naman ang naging pagwawasto ng Guild. Nagpanibagong sigla ito sa lahat ng aspeto. Sa ilalim ng gobyerno ni Ramos, aktibo ang CEGP sa paglahok sa mga isyu ng mamamayan. Tinugunan nito mula pagtaas ng matrikula hanggang pagtaas ng presyo ng langis, hanggang dikta ng IMF-Work Bank sa patakarang pang-ekonomiya ng Pilipinas. Samakatuwid, muli nitong isinabuhay ang patriyotiko at demokratikong oryentasyon.

Ang pinakahuling matagumpay na kampayang sinuong ng Guild ay ang pagpapatalsik sa korap, kontra-mamamayan at kaaway ng kalayaan sa pamamahayag na si Joseph Estrada. Isa ang CEGP sa mga unang progresibong organisasyong nanawagan ng pagpapatalsik kay Estrada.

Sa tagal nang itinagal ng CEGP, itinuturing na itong institusyon ng marami. Nananatili itong isa sa mga pinakamalawak at pinakamatatag na organisasyon ng kabataan sa bansa. Magpahanggang ngayon, hindi pa rin ito natitinag dahil sa pagyakap nito sa patriyotiko at demokratikong interes ng kabataan at mamamayan. Lagi’t lagi itong matatagpuan sa pakikibaka ng mamamayan sapagkat paglilingkod ang nasa ubod ng nakaraan at kasalukuyan ng CEGP.
Read more...

Yellow Puppies Blogger Template | Template Design | Elque 2008