Sunday, October 25, 2009

RSC, University na!

nina Jeofel M. Almoheda at Rocky Lee F. Moscoso



Nilagdaan na nga ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang Republic Act 9721 o mas kilala sa Romblon State University Law noong Oktubre 14, 2009 sa Reception Hall ng Palasyo ng Malakanyang.

Sa isang panayam sa lokal na radyo, masayang ibinalita ni Dr. Jeter S. Sespeñe sa mga Romblomanon ang ganap na kumbersiyon ng Romblon State College sa Romblon State University. Ganundin naman ay ipinaabot din ng Kinatawan ng probinsiya, Cong. Eleandro Jesus “Budoy” Madrona ang kanyang kasiyahan at pagbati sa lahat Romblomanon sa pagtatagumpay ng pangarap na ito. Sila ang mga malalaking tao sa likod ng tagumpay na ito. “Parang ngayon ko pa nga lang naramdaman ang pagod, “ ayon pa sa kay Dr. Sespeñe.

Sa isang artikulo sa broadsheet issue ng The Harrow (RSC to RSU, sigurado na!) na kalalabas pa lamang, tinalakay ni kasamang Kin Fajiculay ang mga simulain ng kumbersiyong pang-unibersidad. Isinalaysay niya ang mahabang paglalakbay ng HB 3265, HB 1201, HB 5217 at SB 3079 sa kongreso at senado hanggang sa makarating nga ito sa Malakanyang. Naroon din ang listahan ng mga mambabatas na tumulong upang isulong ang panukalang batas na ito sa plenaryo.

Ngayong ganap na ngang unibersidad ang RSC, maraming inaasahang pagbabagong mangyayari ang taumbayan kagaya na lang ng pagbubukas ng mga panibagong kurso at pagpapasaayos ng mga pasilidad. Hinimok naman ng Pangulo ang mga propesor ng kolehiyo na patuloy na magpakadalubhasa sa pamamagitan ng pagkuha ng mga kurso sa Master at Doktoral upang patuloy na tumaas ang antas ng edukasyon sa pamantasan.
Kaugnay ng kumbersyong ito, isang misa ng pasasalamat ang ipinagdiwang noong Oktubre 19 sa Gymnasium ng unibersidad. Nag-alay ang mga guro at empleyado ng panalangin ng pasasalamat sa katuparan ng pangarap na ito.

Ayon kay Fr. Jose Falogme, ang paring nagdala ng misa, “We acknowledge that it is not of our own efforts that this college has been converted into a university. It is God who made all these possible. And it is but proper that we bring back all the glory and praises to Him!”

RSU San Andres Campus, nakiisa sa pasasalamat

Kasabay namang nagdiwang ng Main Campus ang Tablas Branch San Andres Campus kung saan ay nagkaroon sila ng Thanksgiving mass at parada sa buong bayan ng San Andres noon ding Oktubre 19.

Masiglang inikot ng RSU family sa San Andres ang buong bayan kung saan kanilang isinigaw ang ‘Mabuhay RSU!’ kasabay ng malakas na drumbeats ng RSU San Andres DMC. Sinundan ang kanilang mass ng isang Caravan at Trip sa RSU Agpudlos. Lubos din ang pasasalamat ng mga San Andresanon kina Cong. Madrona at Dr. Sespeñe sa malinaw na katuparan ng kanilang pangarap – isang tunay na unibersidad..

Taliwas sa napapabalitang ang main campus lamang sa Odiongan ang magiging unibersidad, malinaw na nakasaad sa RA 9721, Sek.1 ang ganito ‘The Romblon State College in the Municipality of Odiongan, Province of Romblon is hereby converted into a state university to be known as the Romblon State University, hereinafter referred to as the University integrating therewith the satellite campuses in the municipalities of San Fernando, Cajidiocan, San Agustin, Romblon, Calatrava, San Andres, Santa Fe and Santa Maria.’

Madrona: Kabataang Romblomanon, Matalino ka!

Lubos na pinasasalamatan ng masang Romblomanon ang Congressman para sa patuloy na pagseserbisyo publiko. Siya ngayon ay tinataguriang ‘Ama ng RSU’ kung paanong si dating Assemblyman Jun Ganan noon ang tinaguriang ‘Ama ng RSC’.

Prayoridad mismo ni Cong. Madrona, ang representante ng mga Romblomanon sa Kamara, ang aspetong edukasyon dito sa Marble Capital of the Philippines. Sinimulan niyang isulong ang conversion noon pang 1992 sa pamamagitan ng HB 3265 ngunit hindi ito pinalad na maging RA. Kaya nang mahalal muli bilang Congressman noong 2007, nagsumite siya uli ng HB 1201. Naging maayos ang agos nito sa kongreso, inamendahan at naging HB 5217. Ang HB 5217 ay matagumpay na aprubahan sa mababang kapulungan at ang counterpart nito sa Senado na Senate Bill No. 3079 ay parehong pumatok at naaprubahan din.

Mula noong Agosto, positibong nang naghihintay ang mga Romblomanon, pangunahin na sina Madrona at Sespeñe, sa pirma ni PGMA upang maging ganap na RA ang HB 5217. Ganun na nga ang nangyari nang pormal na lagdaan ng pangulo ang HB 5217 sa Ceremonial Signing sa Malacañang nito lamang Oktubre 14 ganap na 1:25 sa hapon at isinilang ang Romblon State University sa bisa ng RA 9721.

Si Madrona ay matagal ng katuwang ng estudyanteng Romblomanon sa edukasyon. Ilan sa kanyang mga programang pinakikinabangan ng mga kabataan ay ang Congressional Scholarship para sa mga masisipag na estudyante ngunit salat sa pera at ang Bayang Matalino Valedictorian Incentive Project (BMVIP) upang mabigyan ng tulong pinansyal ang mga brilyanteng kabataan na grumadweyt sa elementarya at hayskul na valedictorian. Sa kasalukuyan ay may 13 BMVIP scholars at daan-daang Congressional scholars sa RSU

Ngayong Romblon State University na

Hindi pa tapos ang pakikibaka ng mga Romblomanon. Ang pagiging RSU ay nangangahulugan ng panibagong hamon sa bawat Romblomanon upang masapatan at ma-comply ang requirements ng CHED. Ayon kasi sa RA 9721, Sek. 22, ‘The CHED shall conduct regular monitoring and evaluation to determine continuing compliance with the requirements on university status. In the event that the commission finds that the university does not maintain compliance thereof, it shall submit the appropriate recommendation for the revocation of the university status to the senate’.

Sa kabilang banda, pinatunayan ng RSU ang pagiging unibersidad nang muling makarekord ng 83% passing percentage sa Certified Public Accountants Licensure Examination (CPALE) ngayon lamang Oktubre. Lima ang bagong CPAs ng unibersidad na sumungkit ng mataas na passing rate kumpara sa national na 42%. Ang CPALE ay isa sa pinakamahirap at pinakamahabang board exams sa bansa at ang BS Accountancy program sa unibersidad ang may pinakakaunting estudayanteng nakakasurvive. Isang pagbati ang pinapaabot ng pamunuan ng Harrow kina Katherine F. Aldaya, Rex F. Catipay, Shiela Buen F. Faigao, Gay T. Famero at Erwil M. Roda.

Ganundin naman, lumabas din ngayong Oktubre ang resulta ng Mechanical Engineering Board Exam kung saan dalawa sa mga pumasa ay mula sa unibersidad. Taos puso ang pagbati ng pamunuan ng Harrow sa kanilang dating patnugot na si Ronel F. De la Rosa at ang kasamahan nitong si Rolyn F. Feudo.

Samantala, inaasahang ang RSU ang magbubukas ng pinto para maialok ang Nursing, Abogasya at iba pang kurso dito sa Heart of the Archipelago.

Patuloy namang inaasahan na ang RSU ay makapagprodyus ng mas maraming globally competitive graduates. Ngayong susunod na semestre o sa susunod na taon, inaantisipa ring tataas ang bilang ng magsisi-enrol at ang pagdami ng bilang ng mga propesor na may mga master’s at doctor’s degree.

Ang bumubuo ngayon sa RSU Board of Regents ay sina Hon. Nenalyn Defensor, CHED Commissioner, bilang Chairperson, at Hon. Jeter Sespeñe, kauna-unahang RSU President, bilang Vice Chairman. Ang mga member naman ay sina Sen. Mar Roxas, Rep. Cynthia Villar, Hon. Oskar Balbastro, Hon. Ma. Josefina Abilay, Hon. Antonio Gerundio, Hon. Jim Fondevilla, Hon. Teofilito Rufon, Hon. Venizar Maravilla, Hon. Orley Fadriquel, Hon. Rachel Tagalog at Prof. Nelson Fedelin, ang College Board Secretary.

Ang RSC Science High School

Samantala, bunga ng pagiging RSU ng RSC ay ang napipintong paglipat ng Science High School sa pamunuan ng Department of Education (DepEd) ayon na rin sa probisyon ng RA 9721, Sek. 3, ‘the existing high school shall be transferred to the jurisdiction and supervision of the Department of Education (DepEd): Provided, that the high school shall be allowed to remain and operate within the campus of the University until its students, who are currently enrolled shall have completed their high school education.’ Naipatupad na ang probisyong ito sa ilang mga campus ng unibersidad.

Ganunpaman, binanggit din sa batas na maaring mapanatili pa rin ang isang laboratoy high school na meron lamang limitadong bilang kapag ang unibersidad ay mayroon namang College of Education.

Pagtaas ng matrikula, pinangangambahan

Kinatatakutan naman ng maraming estudyanteng Romblomanon, lalo na ng mga mahihirap na magulang, ang umano’y napipintong pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin bunga ng kumbersyon. Gayunpaman, nilinaw ni Prof. Nelson Fedelin, ang University and Regent Secretary, na hindi karakara’y magtataas ang matrikula. Hindi basta-basta ang tuition fee increase dahil dadaan pa ito sa Board of Regents at konsultasyon sa mga estudyante. Ayon pa sa kanya, hindi dahil RSU na ang RSC ay kaagad-agad na magtaas ng matrikula. Idiin niya sa huli na walang pagtaas ng matrikula.

Ang Romblon State University ngayon ang nag-iisang unibersidad sa lalawigan at ang ikatlong unibersidad sa Region 4-B MIMAROPA kasunod ng Palawan State University at Western Philippine University.

6 comments:

Anonymous said...

hahaha!! anu klase spot ito

The Harrow said...

hihihi. eto lang ang kaya e. Libre kasi.

har har said...

Spot??? You probably mean "blog". Welcome to blogosphere anonymous!

Mr. Z said...

anonymous epal!!! jajaja
cguro
a. galing2 mu noh?..
b. galinggalingan ka?...
c. ala k lng magawa?...
pikon pang8!jajaja

-Mr. Z

Anonymous said...

hey. The Harrow Im Paul Jaysent Fos, Science High School Student. Ahmf. you want to have a sub domain page at www.kapatirangpinoy.com? Para pwede nyo pa mapaganda webpage nyo.. paki bigay nyo sakin email add nyo. ito email ko paulfos@kapatirangpinoy.com

Anonymous said...

di na po pwede mag add domain sa kapatirangpinoy, senxa na po

Yellow Puppies Blogger Template | Template Design | Elque 2008