Thursday, October 1, 2009

RIGHT OF REPLY BILL: SAGWIL SA PAGYABONG NG MALAYANG PAMAMAHAYAG

Ni Alyssa Marie Fernandez

Right of Reply Bill, ano nga ba ito?

Hunyo 2004, naghain si Senador Aquilino Pimentel ng isang Senate Bill (SB) 1178 habang ginaganap ang ikalabintatlong Kongeso. Dahil sa kakulangan ng oras, ang nasabing panukalang batas kung saan, nakapasa na sa ikatlong pagbasa ay hindi nagtagumpay na ma-aprubahan. Sa pag-usad ng nasabing batas, ito ay pormal na naaprubahan noong Hunyo 2008 at ito ay napalitan bilang bagong SB 2150 mula SB 1178.
Ipinasa ng Senado sa ikatlong pagbasa ang SB 2150 noong Hulyo 29, 2009 na mas kilala sa tawag na “ An Act Granting The Right of Reply and Providing Penalties for Violation Thereof” na ipinanukala nina Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., Senador Chiz Escudero at Senador Aquilino Pimentel.

Sa kabilang banda, si Rep. Monico Puentevella, Representante ng Lungsod ng Bacolod ay nagsumite ng House Bill (HB) 1001 kasama si Rep. Juan Edgardo Angara mula sa probinsiya ng Aurora ay naghain din ng HB 162. Bilang kapalit ng dalawang nasabing batas, ang HB 3306 ay dininig sa Mababang Kapulungan kung saan ipinanukala ni Rep. Bienvenido Abante, Rep. Juan Edgardo Angara at Rep. Puntevella.

Bagaman ang SB 2150 at HB 3306 ay inihain sa magkaibang kapulungan, nananatiling magkatugma ang kanilang titulo at gabuhok ang kanilang pagkakaiba.

“Probably, by giving the persons being criticized a chance to reply and get their reply published, according to the structures of this bill, then hopefully we can reduce the incidence of ‘resort-to-the-gun’ as a way to even up things with the media practitioners.”

Bakit kailangang tuligsain ang Right of Reply Bill?

Ang nasabing panukalang-batas ay walang katuturan. Ito rin ay lantarang pagsuway sa itinadhana ng konstitusyon.

Kahit noon pa man, may mga paraan nang ginagawa ang medya upang bigyan ng espasyo sa pahayagan o radyo ang mga taong naaagrabyado na ipahatid ang kanilang panig. Halimbawa nito ang Letter to Editor at ang paglalathala ng patas na lathalain at balita.

Ang nasabing panukalang batas ay hindi na kinakailangan dahil mayroon nang mga batas na nagkakanlong upang ipaglaban ang sariling karapatan: ang libelong batas (na patuloy na ipinapaglaban ng mga kabataan dahil sa matinding diskriminasyon) at ang paninirang-puri.

Isang batas na dapat supilin!

Kasuklam-suklam ito sa mata ng ating konstitusyon. Isa itong insulto sa isang demokratikong bansa kapag ito’y naging ganap na batas? Ang pag-apruba rito ay kapantay ng pagputol sa tulay ng komunikasyon sa masa sapagkat mapapaiksi ang pagsagawa sa tunay na layunin at tungkulin ng isang dyarista--na maging isang bantay, magsilbing mata, tainga at bibig ng sambayanan, na walang takot at pag-aalilangang harapin ang pamamahayag kahit na sa likod nito ay may nakaambang kaparusahan sa hindi paglathala ng tugon ng isang nakakapaminsalang tao.

Pagkatapos ng lahat, sino ang may gustong isakdal o mabilanggo man lang at pagbayarin ng higit na halaga, na mas malaki pa sa isang sahod ng simpleng mamamahayag o higit pa sa kabuuang benta ng pahayagan? Ang masama nito, ang batas na ito ay maaaring manghikayat sa kaisipan ng bawat mamamahayag: kung bakit kailangan pang magsulat ng laban sa isang maimpluwensyang indibidwal o kumpanya na maaari ka pang kasuhan, eh, maaari ka namang magsulat ng pabor sa kanila, mababayaran ka pa ng salapi!

Biktima at walang lusot din dito ang mga pahayagang pangkampus. Bakit kako? Dahil kasama sa probisyon ng Right of Reply Bill ang paglalathala sa loob ng 3 araw ng sagot o tugon ng taong naagrabyado umano. Papaano ito masusunod gaya halimbawa ng The Harrow samantalang isang beses sa isang semestre lang naman ang labas ng bawat dyaryo? Kailan man ay wala sa kasaysayan ng pahayagang pangkampus ang mag-release ng dyaryo sa bawat araw. Kaya naman mariing tinututulan ng mga nasa mainstream media at maging ng alternative media ang ganitong opresibong hakbang. Bilang isang Pilipino, alam nating mayroong sistema ang ating bansa, mula sa panukalang batas na ito, mabibigyan ng pagkakataon ang mga pulitiko at prominenteng indibwal ng daan upang maisagawa ng ‘legal’ ang pananakot sa mga mamamahayag.

Sa isang bansang demokratiko kung saan makikita ang isang dating presidente na nakulong ngunit walang naganap na pag-amin mula sa mga paratang sa kanya at maging isang presidente na humingi ng madamdaming paumanhin sa telebisyon dahil sa kontrobersyal na eleksyon noong nakaraang 2004 - ang Right of Reply Bill ay isang panuklang batas na isang napakalaking pagkakamali.

Ang Right of Reply Bill ay hayagang paglapastangan sa ating Saligang Batas. Nang idambana ang ating Saligang Batas, nakasaad dito na: “No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press…” Minsang ang panukalang batas ay maaprubahan bilang isang ganap na batas, maaaring bigyang-tanggi ang mga Pilipino na ipaglaban ang kanilang mga karapatan at bigyan ng mga pang-aabusong impormasyon kung saan, maaaring maging pundasyon sa pagkakaroon ng pagkakapantay-pantay na maging daan sa pag-aksyon na mapanatili ang karapatan at kaayusan ng buong sambayanan.

Mula sa batas na ito, ang tanging-karapatan lamang ng mga mamamahayag ay tiyakin kung sino ang ilalathala o balitang paninira sapagkat napipilitan ang mga medya na ilathala o isahimpapawid ang tugon ng naaaping tao na wala namang kahirapan na patunayan na siya ay apektado sa balita.

Tunay ngang gagawin nila ang lahat mabusalan lang ang medya sa paglalabas ng mga katiwalian at pang-aabuso. Ito ay isang sagwil sa pagyabong ng malayang pamamahayag sa bansa.

Kailanman, hindi tayo matatawag na malayang mamamahayag kung may mga nanlilisik na batas na tila nananakot sa atin. Hindi matatawag na malayang pamamahayag ang sitwasyong puno ng takot, opresyon at banta. ■

0 comments:

Yellow Puppies Blogger Template | Template Design | Elque 2008