Monday, October 19, 2009

Formento tinanggal na VP RDE

Dahil sa mga isinampang kaso sa Ombudsman. . .
DR. FORMENTO TINANGGAL NI PRES. SESPEÑE
BILANG VP-RDE NG RSC.

Halaw mula sa Romblon Sun
http://romblonpost.com/index.php?topic=135.0


Odiongan - Tinanggal ni RSC President Dr. Jeter S.Sespeñe ang pagkatalaga kay Dr. Alexander F. Formento bilang Vice President for Research, Development and Extension (VP-RDE) ng Romblon State College (RSC) base sa kanyang ipinadalang Memorandum No. 333, S. 2009 noong Septyembre 28, 2009 sa tanggapan ng huli.

Batay sa nasabing Memorandum, magkakabisa ang rebokasyon simula Septyembre 28, 2009 kaalinsabay sa pagpawalang-bisa ng posisyon ni Dr. Formento bilang Vice President for Research, Development and Extension (VPRDE) dahil umano sa pagkawala nang kompyansa at tiwala ng nagtalagang kapangyarihan sa nabanggit na opisyal.

Xxxx…“effective today, September 28, 2009, your designation as Vice President for Research, Extension and Development (VPRED) is hereby revoked for lost of trust and confidence by the designating or appointing authority.”

xxx…“your status as vacation sick leave (VSL) employee is now reverted to teachers sick leave (TSL)."

Ayon kay Dr. Formento nang kunan pahayag ng Romblon Sun, inaasahan na umano niya ang ganitong mga hakbang na gagawin ni President Jeter Sespeñe sa kanya matapos na sampahan niya ng anim na kaso ang nasabing Pangulo ng RSC sa tanggapan ng Ombudsman noong Setyembre 4, 2009.

“Inaasahan ko na ang mga ganyang pangyayari. Hindi ko naman pinagsisihan ang lahat na ito dahil alam kong ito ang tama, at gusto ko lang na protektahan ang interest ng institution.” sabi ni Dr. Formento.

Una rito ay pinadalhan ng Memo No. 319 S. 2009 si Dr. Formento at hiniling na magpaliwanag sa loob ng 24 oras sa kanyang intensyon o motibo na pagsampa ng kaso sa tanggapan ng Ombudsman laban kay Pres Sespeñe na lumabas sa pahayagang ito. Nakasaad rin sa nasabing memo na hindi dapat umano direktang dinala sa Ombudsman ni Formento ang kanyang reklamo kundi ito ay dapat idinaan muna sa college grievance committee.

Matatandaan na sinampahan ni Dr. Alex Formento, Assistant Professor III at dating Vice President for Research, Development and Extension si Dr. Jeter Sespeñe Pangulo ng nasabing kolehiyo ng anim na magkakahiwalay na kasong criminal at administratibo sa tanggapan ng Ombudsman.

Ang mga kasong isinampa ni Dr. Formento laban kay Dr. Sespeñe ay ang mga sumusunod:

1.) Paglabag umano ni Sespeñe sa section 3 (9) of RA 3019 otherwise known as Anti-Graft and Corrupt Practices Act at paglabag sa probisyon ng RA 9184 na kilala bilang Government Procurement Reform Act. Ito ay tungkol sa pagbili ng service bus ng RSC President na sa halip na bago ay segunda mano ang binili nito.

2.) Ang paglabag umano sa section 3 (e) ng RA 3019 at probisyon ng RA 9184 tungkol sa ginawang pamimili ng kagamitan sa proyektong Banana Tissue Culture Laboratory.

3.) Ang pagbili umano ng RSC ng 115 ektaryang lupa sa barangay Agpudlos, San Andres sa pamilya Martinez sa halagang P45,000 bawat ektarya na kung saan ay si President Sespeñe mismo ang personal na nangasiwa sa pamimili na matapos na maisagawa ang nasabing transaksyon ay nagkaroon din umano ng pag-aaring lupa na may kabuuang sukat na 1.8 at 3.0 ektarya si President Jeter at ang biyenan nito malapit sa lupang pag-aari ng RSC sa nasabing lugar.

4.) Ang paglabag umano sa Title 4, Section 4, Article 171 ng Revised Penal Code (Falsification of Official Document by Public Officer and Employee).

5.) Ang paglabag umano ni President Sespeñe sa Title 13, Chapter 1, Section 1 ng Revised Penal Code at paglabag umano sa itinatadhana ng section 4 (c) ng RA 6713, kilala bilang Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees.

6.) Ang paglabag umano sa section 88 ng PD 1445, Malversation of Public Funds at paglabag sa probisyon ng RA 9184 o Government Procurement Reform Act.

0 comments:

Yellow Puppies Blogger Template | Template Design | Elque 2008