Susi sa Tagumpay
Ni Gina M. Marcelino
Bawat isa sa atin ay puno ng pangarap. Gagawin ang lahat para sa katuparan nito. Sa kabila ng mga pagsubok na ating pinagdadaanan, nagpupursige pa rin tayo. Dahil naniniwala tayo na hindi natin mae-enjoy ang tagumpay kung hindi natin ito pinaghihirapan. Ang buhay ay isang siklo ng hirap at kaginhawahan. Nakadepende lang ‘yon kung paano natin ito tatanggapin at gagamitin. Kung magiging matatag lang tayo at matalino, matatamasa natin ang ginhawa at ligayang inaasam.
Habang tayo’y tumatanda, ang isang bagay na hindi natin pwedeng pigilin ay ang ORAS. Tatakbo at tatakbo ito, habang tayo naman ay walang tigil sa paghabol dito. Pero sa bawat oras na lumilipas, meron itong iiwanan sa atin: ito ay ang ating mga KARANASAN. At sa bawat karanasang ‘yon, masama man ‘yon o mabuti, malaki ang magagawa nito sa ating buhay. Ang mga aral na hatid nito ang siyang magiging panuntunan natin sa pagharap sa bukas. Minsan, hindi natin malalaman ang ating mga pagkakamali hangga’t hidi tayo nagdurusa. Hindi natin mapupuna ang ating mga kakulangan hangga’t hindi tayo umiiyak. Ang hamon ng buhay ay talagang mahirap, pero kung magiging matatag lang tayo, magtatagumpay parin tayo sa huli. Ano mang pagsubok yan, siguradong makakaya nating lampasan.
Sabi nga ng ilan, bumuo ka ng mga pangarap at i-challenge mo ang iyong sarili. Ang mga pangarap na yan ang magsisilbing pinto sa iyong magandang kinabukasan. Buksan mo ang pintong yan para pumasok ang biyaya. Kapag nalagpasan mo ang sariling hamon, magiging madali na para sayo ang hamon ng bukas. Wag kang paapekto sa pangungutya o panghuhusga ng iba o kaya ay magpadikta sa kanila dahil hindi sila ang humahawak ng iyong kapalaran. Ikaw ang gumagawa ng sarili mong “existence” dito sa mundo.
Wag tayong dumepende sa sinasabi ng iba. Dahil kagaya mo, sila ay tao din. May ibang prinsipyo, ibang layunin, ibang pangarap at ibang paniniwala. Ang buhay ay walang kwenta hangga’t hindi mo nakikita ang totoong halaga nito. Kung ano ang dahilan at binigay sa atin ‘to, ikaw lang ang makakasagot. Binigyan tayo ng sariling utak para tuklasin natin kung ano ba talaga ang dahilan at bakit tayo nandito ngayon at kung ano ang mga gusto natin. Hindi tamang isisi sa iba ang bawat pagkakamaling iyong nagagawa at ang mga pagdurusang iyong kinasasadlakan dahil ikaw ang gumagawa ng sariling kapalaran. Gamitin mo ng tama ang bawat oras na dumadaan at siguradong walang puwang ang pagsisisi at panghihinayang.
0 comments:
Post a Comment