Thursday, October 1, 2009

IPSTED, tinangkilik ang wikang Ingles

Ni Catherine Lilang

Isang memorandum na nagsasaad ng paggamit ng wikang Ingles sa silid-aralan at sa opisina ng Institute of Professional Studies and Teachers Education (IPSTED) bilang opisyal na wika sa araw-araw na pakikipagtalastasan ang ipinalabas ni Dr. Mario A. Fetalver, Jr., dekano ng IPSTED, noong ika-17 ng Hunyo bilang pagsuporta sa English Proficiency Program ng Institute.

Napapaloob din sa memorandum na walang parusang itatalaga sa anumang guro o estudyante na hindi gagamit ng wikang Ingles bilang midyum sa pananalita sa araw-araw na usapan ngunit hindi sila bibigyang-pansin at kakausapin hanggat hindi sila magsasalita ng wikang Ingles. Ito ay ipinatupad upang palakasin ang programa ng instituto hinggil sa kahusayan ng paggamit sa wikang Ingles na siyang magsisilbing daan sa anumang aspeto ng pag-unlad.

Kapansin-pansin ngayon ang masasayang usapan ng mga guro sa loob ng opisina ng IPSTED gamit ang wikang Ingles. Ganon din ang mga estudyanteng nakikipag-usap sa kanila at nagtatanong ng ilang mahahalagang bagay sa pangambang ‘madedma’ at hindi mapag-ukulan ng pansin. Ito raw ay hindi tuwirang paglimot sa ating pambansang wika bagkus ay simula ng paghubog sa kakayahang makipagkumpitensya sa pandaidigang kalakaran ng buhay.

Nang makapanayam ang dekano ng IPSTED na si Dr. Mario A. Fetalver, Jr., tahasan at may paninindigan siyang sinabi ang ganito, “ We are inculcating into the students’ minds that using English language in the classroom and in the IPSTED office as medium of daily conversation is not just a mere support to English proficiency program but significantly, a stepping stone for developing them into globally competitive individuals.”

Wala namang gaanong negatibong reaksiyon sa panig ng mga guro sa Filipino at mga estudyanteng kumukuha ng Filipino bilang espesyalisasyon dahil ayon sa kanila napapaunlad pa ang kanilang kahusayan sa paggamit ng wikang Ingles. Nakakatulong din ito upang maging madali para sa kanila ang makipag-ugnayan at makipagtalastasan na hindi maiiwasang mawala ang nabanggit na wika.■

0 comments:

Yellow Puppies Blogger Template | Template Design | Elque 2008