Thursday, October 1, 2009

"Walang Paki" Mentality

Ni Jeofel Almoheda

Hindi maubos-ubos ang problema ng mundo. Sa Pilipinas lamang, sangkatutak na isyu’t problema ang ‘di pa rin nalulutas. Ano na kaya ang mukha ng ating bansa? Ano na ang nangyayari sa ating planeta? Magunaw ron bala?

“Anong malay ko, wala akong pakialam noh!,” Ganito ang kadalasang lamentasyon ng mga walang pakialam na tao. Ganiyan din ba ang mentalidad mo? Eskapismo o escapism ang tawag sa ganitong kaisipan. Ito ay ang pag-iwas sa reyalidad sa pamamagitan ng pagsubsob ng sarili sa puro kasiyahan o ilusyon lamang. Yaon bagang mga taong ‘walang paki’ at ang mahalaga lang sa kanila ay ang kasiyahan nila. Kumbaga, ang eskapismo ay ‘bahala ka sa buhay mo at bahala ako sa buhay ko dahil ang mahalaga ay masaya ako!’.

Sa dinami-dami nga namang problemang kinakaharap ng tao gaya ng pag-init ng mundo (global warming), paglagapak ng moralidad (morality breakdown), krisis pampinansya (financial crisis), nagbabagong klima (climate change), A(H1N1) influenza at marami pa, baka isipin mong hindi mo na ito problema at wala ka nang pakialam dito. Bahala sila, ika nga.

Mali po! Ang mga problemang nabanggit ay problema nating lahat. Tayo mismo ang nasasangkot dito. Makiisa po tayo para masolusyunan o kung ‘di ma’y para maiwasan ang paglala ng ating mga problema. Makibahagi. Makialam. Bilang kabataang Romblomanon, hindi lang dapat Facebook, DOTA, TV, textmates, jamming at sound trip ang pokus ng ating atensiyon. Makialam tayo dahil nasasangkot ang ating kinabukasan dito.

Bilang RSCians (at bilang mga magiging RSUnista), manguna tayo sa pakikipagtulungan sa awtoridad upang malunasan ang sakit ng ating lipunan. Patunayan natin sa lahat na hindi nagkamali si Doktor Pepe nang sabihin niyang tayong mga kabataan ang pag-asa ng bayan’. Bilang kabataan, tungkulin nating pangalagaan ang ating mga karapatan nang sa ganoo’y may pareho tayong probisyong maipamamana sa susunod na henerasyon. Bilang kabataan, patunayan nating tayo’y may silbi’t hindi inutil; na tayo’y may pakialam sa mga kaganapang panlipunan. Huwag tayong tutulog-tulog.

Iwaksi ang ‘walang paki’ mentality! Tamang ideyalismo ang dapat na manaig sa atin at tiyak na kayang-kaya nating magtagumpay sa bawat hamon ng buhay.■

0 comments:

Yellow Puppies Blogger Template | Template Design | Elque 2008