Odiongan Agro-Commercial Center: Maliwanag na Katuparan ng mga Pangarap
Ni Ma. Sheilamae Gonzales at Catherine Lilang
Kung naikot mo na ang buong bayan ng Odiongan, mamamangha at mabibighani ka sa maraming pagbabago rito. Naglalakihan at naggagandahang mga gusali ang makikita saan ka man mapatingin. Ito na ba ang simula ng pangunguna ng bayan ng Odiongan sa buong probinsya ng Romblon?
Isa sa pinag-uusapan ng mamamayan ng buong Romblon ang pinagkakaabalahang proyekto ng bayang ito, ang pagtatayo ng Agro-Commercial Center. Marami ang nasasabik na matapos na ang imprastrakturang ito dahil ito ang kauna-unahang pampublikong gusali na maihahambing natin sa mga malls sa lungsod ng Maynila. Ito din ang magiging isang buhay na simbolo ng tuluyang pag-unlad ng Odiongan sa larangan ng industriya at turismo.
Matatagpuan ang Odiongan Agro-Commercial Center sa Brgy. Liwanag, Odiongan, Romblon. Ang tatlong palapag na gusaling ito ay plinano at itinayo upang maging sentro ng atensyon at atraksyon sa mga mamamayan ng Romblon pati na rin sa mga negosyanteng nagnanais na magtayo ng negosyo sa bayan ng Odiongan.
Ang OCC ay binubuo ng tatlong palapag na gusali kung saan ang unang palapag ay inilaan para sa mga nagnanais magtayo ng boutiques, food courts, appliance center, school and office supplies, at bakeshop, musical instrument stores at Mercury Drug Store. Samantala sa ikalawang palapag ng gusali, maaring maglagay ng internet café’, boutiques, restaurants at signature stores. Ang ikatlong palapag ay sadyang inilalaan para sa nais magtayo ng fitness center, amusement parks, dental and medical offices, national offices, tutorial schools, internet café’s, restaurant at mga private offices. Hindi pa man natatapos nang tuluyan ang gusaling ito na nagkakahalaga ng apatnapung milyong piso (40 million) ay atin nang nakikinita ang mga buhay na buhay na eksena sa bayan ng Odiongan. Sa harap ng gusali, naglaan ng espasyo para sa parking area ng mga mamimili kasabay ang pagbibigay din ng espasyo sa mga public utility jeepneys (sa harap ng national road) na sadyang pinaplano pa nang mabuti para maiwasan ang trapiko.
Ang pagtatayo ng Odiongan Agro-Commercial Center ay maaaring magbunga din ng masamang epekto na hindi maiwasan. Sa aming masusing pakikipagpanayam kay G. Rosebi D. Agaloos ng Municipal Planning Development Council, ang katahimikan at kaayusan ang siyang unang maaapektuahn ng pagkakaroon ng bagong gusali dahil sa hindi maiiwasang pagdagsa ng mga tao at ang kaakibat na kriminalidad sa mga mataong lugar. Ayon pa sa kanya, ang trapiko ay isa ding nakikinitang problema dahil sa minsang kawalan ng disiplina sa sarili ng mga drayber at mga mamimili. Ang problema sa basura ay isa pang suliranin na kahit sa maunlad na lungsod ay hindi maiwasan dulot ng mga taong hindi nagpapahalaga sa kalinisan ng lugar. Maiiwasan at masosolusyonan kahit papano ang nakikinitang problemang ito kung parehong tataglayin ng mga mamimili, may-ari ng negosyo, at mga drayber ng pampasaherong sasakyan ang tinatawag na disiplina sa sarili para sa tagumpay at pag-unlad ng Odiongan bilang pangkalahatan.
Ito ngayon ang buhay na sagisag ng pangunguna ng Odiongan sa buong probinsya ng Romblon at katuparan ng pangarap ng mga namumuno dito na maging isang lungsod ang bayan sa darating na panahon at manguna sa larangan ng komersyo. Tunay na makakaakit ito ng mga lokal at banyagang investors na siyang magpapalago sa ekonomiya ng Odiongan. Inaasahang matatapos ang gusaling ito ngayong taon.■
0 comments:
Post a Comment