Thursday, October 1, 2009

Romblon Youth Development Council, kasado sa SP

Ni Abbygail Jaylo

Sa paglalayong mahasa at maitaas ang potensyal ng mga kabataan bilang isang responsable at maaasahang miyembro ng pamayanan, ipinasa at inaprubahan ng Provincial Board ng Romblon ang “Romblon Youth Development Council” na nagbigay-daan sa pagpapatibay at pagpapalawak ng mga serbisyong inilaan ng mga ahensyang pang-gobyerno sa mga mamamayan ng Romblon.

Binigyang-diin ni Sangguniang Panlalawigan (SP) Member Dong-dong Ylagan, ang may-akda ng nasabing ordinansa at part-time instructor sa Political Science ng Romblon State College - Institute of Arts and Sciences, na ito ang unang hakbang ng lokal na pamahalaan ng Romblon upang maibigay ang mga pangangailangan ng mga kabataang Romblomanon.

Isa sa mga layunin ng ordinansa sa bagong lunsad na Romblon Youth Development Council ay manguna sa paglalaan ng mga serbisyo ukol sa pagbabago para sa ikabubuti ng mga kabataang nag-aaral, sa larangan ng isports, Information Technology, at scholarship programs. Naniniwala si SP Ylagan na marami sa mga estudyante ng RSC ang matutulungan ng nasabing ordinansa.

“Sa tulong ng ordinansang ito, madali nang makakabuo ng mga batas at programang may kinalaman sa kaunlaran ng mga kabataan, at sa pamamagitan ng mga ahensyang pang-gobyerno gayundin ng lokal na pamahalaan ay matugunan ang mga adbokasiya,” pagtatapos ni SP Ylagan.■

0 comments:

Yellow Puppies Blogger Template | Template Design | Elque 2008