Re-Evaluation
Muling Pagsusuri sa:
Unibersidad sa Bayan ng Marmol
Ni Rocky Lee F. Moscoso
Sana bago ako magtapos sa kolehiyong ito makita ko man lang sa aking diploma na unibersidad na ang RSC.
Simula’t sapul, ang pagkakaroon ng unibersidad sa isang bayan ay masasabing isang nagkatotoong mithiin para sa mga mamamayan nito dahil na rin sa napakaraming benipisyong makukuha dito kaya naman binibigyan ko ng isang malaking aprub ang konbersyon ng ating institusyon patungo sa pagiging unibersidad, yon bang hindi minamadali. Ngunit ang saludo ng mga mag aaral ay para lamang sa taong magbibigay ng tunay na pagbabagong pang unibersidad at take note dapat po ay nararamdaman.
NGUNIT, DATAPWAT, SUBALIT...
Teka teka muna mga dong!
Sa isang survey ng The Harrow sa ating mga estudyante at ayon na rin sa aming pagtatanong tanong at pangangalap ng kalidad na impormasyon, aming na pag-alaman na walumpung porsiyento (80%) o mayorya ng mga estudyante ang nagsasabing hindi pa handa ang RSC para maging isang unibersidad. (“Sino si Sir Jet?,” ang sabi ng karamihang first year na di siya kilala.)
Bakit kamo? Ang karamihan sa sagot ng mga estudyante sa aming pahayagan ay naglalaro lamang sa kakulangan ng mga pasilidad, at kung meron man bulok naman o hindi na nagagamit, ang mababang kalidad ng edukasyon (mayorya sa mga estudyante ang nagsabing di sila kuntento sa kalidad ng edukasyon sa RSC), ang maputik na mga daan, ang mga bumabahang silid-aralan, ang mababahong CR at marami pang iba o kung ating susumahin ang lahat ng mga ito, wala pa tayo sa kalingkingan ng pagiging isang unibersidad.
Totoo at klaro ang bawat punto na hindi pa handa ang institusyong ito para maging isang unibersidad at kung ikukumpara sa isang tunay na unibersidad, OMG, kung sakali man saan ka makakakita ng unibersidad na may mga problemang katulad ng nabanggit sa itaas. At hindi po ba nadagdagan ang subsidy ng RSC para sa taong 2009 na halos umabot ng 94 milyon ngunit di naman maramdaman ng mga estudyante ang pagbabago. Saan po ba ito napupunta? Sana pinaayos nalang ang mga sirang bintana, ang mababahong CR, ang mga kisame, ang mga silid aralan sa VoAg, ang mga mapuputik na daan, bumili ng updated books sa library, at marami pang puwedeng gawin. Kaya naman po ang ating mga mag aaral ay kumakatok sa mabubuting kalooban ng ating mga kinuukulan upang bigyang pansin ang mga ito. Gumising na kayo! Subukan mo at baka sumaludo pa kami sayo!
SA KABILANG BANDA
May ilan pa rin namang nagsabi ng YES sa pagiging unibersidad ng RSC at kakatwa ang sagot ng iilan.
“… para naman sikat hindi lang sa Romblon pati na rin sa buong Philippines”.
“…Oo! Para gumanda na at makilala na ang ating paaralan”.
“…Pabor yon para sa mga graduating students na maghahanap ng trabaho lalo na sa mga kompanya na naghahanap ng mga employee na nag graduate sa credited university”.
“…Para naman maimprove ang kalidad ng pagtuturo at maiparamdam nyo naman sa aming mga estudyante na masarap at masayang mag aral ng kolehiyo”.
“…Masarap pumasok sa isang university school. I-improve lang yong mga classrooms pwede na”!
Kung susuriing mabuti ang mga ito makikita nating ang pagiging unibersidad ng institusyong ito ay mangyayari lamang kung magagawa ang ilang pagbabago. Katulad na lamang ng huling pahayag na dapat i-improve lang yong mga classrooms ay pwede nang maging university, di ba’t isa itong pagbabago na dapat pag tuunang pansin ng ating kinauukulan.
Sikat? Oo nga’t sisikat ang RSC pag ito’y naging unibersidad, ngunit baga sa sobrang pagmamadali ng iba na gustong gusto na at atat na atat na sa konbersyon ng RSC to RSU ay nakakaligtaan ang ibang mas mahalagang detalye (tulad ng kapakanan ng mga estudyante o students welfare, hindi po ba sir at ma’am? (Wala ngang libreng gamot sa clinic masungit pa yong mga iba dun). Marami pang bagay sa paaralan na mas dapat pang pagtuunan ng pansin kesa sa mga papeles na dapat ayusin pa-ra maging RSU ang RSC. Mas importan-te pa po ba ang mga papel na yan kesa sa kapakanan ng mga estudyanteng hindi makapag-aral ng mabuti dahil sa ulan, init, putik at sira-sirang mga pasilidad? Sana kahit sa maliit na paraan lamang ay iparamdam nyo ang inyong presensya bagama’t naiintindihan naman ng mga mag aaral ang inyong kalagayan kung di nyo man masolusyunan ang kanilang mga hinaing dahil lahat naman po tayo ay nakakaranas ng krisis pinansyal.
NGUNIT ANG MAHALAGA
ay importante)
Dapat magkaisa ang iba’t ibang sektor na bubuo at magtutulong-tulong sa konbersyon ng RSC patungo sa pagiging isang unibersidad. (estudyante, guro, administrador, empleyado, mga magulang, lokal na pamahalaan at iba pang mga ahensiya mapribado man o pampubliko).
Kung pagkakaisa lang naman ang ating pag-uusapan, parang nakakasuka na ang walang sawang “crab mentality” na kaugalian nating mga Pinoy. Lalo na ngayong nasa tulay ng pagbabago ang ating institusyon, ay dalawa pa sa pinakamatataas na pinuno nito ang nag-aaway na tila mga talangkang naghihilahan pababa. Ang nakakainis pa sa away na ito ay isinapubliko pa ito na siyang lalong nagpalala sa gulo. Ayan tuloy parehong lumalabas ang kanilang mga baho, kaya naman apektado na rin ang mga mag aaral kung sino ba talaga ang lider na dapat nilang paniwalaan. Imbis na magkaisa ang dalawang ito ay sila pa mismo ang nag aaway at nagpapahirap sa katuparan ng ating mithiin para maging isang unibersidad. Hay hay hay basta nga naman kapangyarihan ang pinag uusapan ay parang pag ibig din, “susuungin ang lahat makuha ka lamang!” Masakit man po ang katotohanan pero hindi naman bulag at bingi ang aming patnugutan upang ‘di ito mapuna lalo na’t para sa kapakanan ng kapwa naming mag aaral.
Ilan lamang ito sa mga maiinit na isyung palagi naming susubaybayan bilang mga mata at bibig ng mga estudyante. Hindi namin minamaliit ang potensyal ng institusyong ito pagkat marami na rin itong naiambag na mga propesyunal sa iba’t ibang larangan ng karunungan, kahit na maraming kakulangan ang makikita sa kolehiyong malapit na kunong maging unibersidad. Paano na lamang kung maganda ang mga pasilidad, ang kalidad ng edukasyon, at ang mga kagamitan sa pagtuturo at pagsasaliksik? Siguradong magiging karapat-dapat na tayong tawaging isang unibersidad.
Bato bato sa langit ang mag react ay tinamaan! Kung marami man kaming napupuna sa kolehiyong ito, ‘yon ay dahil nakikita ito ng aming mga matang hindi bulag sa katotohanan at bawat tintang lumalabas sa aming pluma ay ang tanging instrumentong bumubuo sa aming mga pangarap at adhikain para sa ikauunlad ng institusyong ito at hindi lamang para sa mga kritisismo.■
0 comments:
Post a Comment