Thursday, October 1, 2009

RSC to RSU sigurado na!

Ni Frederick Kin Fajiculay

Matapos ang halos isang dekadang paghihintay sa kumbersyong pang-unibersidad, sa wakas ay makakamtan na rin ng mga Romblomanon ang kanilang inaasam na pagbabago para sa nag-iisang kolehiyo ng probinsya.

Matatandaan na taong 1999 pa nang unang ipakikilala ang planong kumbersiyon sa Romblon State College. Ito ay matapos ang pagbisita ni Congressman Dante Liban sa kolehiyo at mabuo ang House Bill 3265 na isinulong at ipinaglaban sa 11th Congress. Sa pamamagitan ng panukalang batas na ito, na sa kinalaunan ay pinalitan ng House Bill 1201 ay nakilala ang Romblon State College bilang isang institusyong pang-edukasyon sa lalawigan ng Romblon na nag-aasam ng kumbersyon. Subalit, dahil na rin sa ‘di inaasahang pagkakataon ay hindi nabigyang katuparan ang mga nasabing panukalang batas. Kahit na ito’y pinalad na makaabot sa Senado ay naging kulang pa rin para makabuo ng isang unibersidad sa lalawigan ng marmol.

RSU Bill sa Senado

Sa pagpupursige ng mga nagsulong ng HB 5217, (binagong bersyon ng HB 1201) ay naipasa na rin sa wakas ang RSU Bill sa Mababang Kapulungan at maging sa Senado. Ika-26 ng Abril nang buong puwersa at sama-samang magpunta ang kinatawan ng RSC maging ang mga lider ng lalawigan sa Senado upang suportahan ang pagdinig ng HB 5217 sa Committee on Education Culture and Arts na pinangunahan ni Senador Mar Roxas at Committee on Finance, kung saan naipasa ang panukalang batas, matapos magkaroon ng MOA ang CHED at RSC.

Matapos na ito’y maipasa sa mababang kapulungan, tuloy-tuloy at naging mabilis ang pag-usad nito sa Senado. Napasama ang RSU bill sa mga dininig na mga panukalang batas sa buong buwan ng Agosto 2009.

Dito rin, kung saan ito’y naging Senate Bill 3079, naging sponsor sina Sen. Mar Roxas, Sen. Francis Escudero, at Sen. Edgardo Angara.

Maliban sa ilang minimal na pagbabago at pag-amyenda ay tuluyang naipasa sa ikatlong pagbasa ang RSU Bill sa Senado noong ika-18 ng Agosto, 2009.

RSC to RSU

Pinal nang inaprubahan sa Ikatlong Regular na Sesyon ng 14th Congress ang batas na ito noong ika-27 ng Hulyo, 2009 na pumasa rin sa sunud-sunod na pagsusuri ng Mababang Kapulungan at ng Senado noong ika-18 at ika-26 ng Agosto, 2009.
“Sa pagpasa ng RSU Bill sa Senado, inaasahan na lalagdaan ni Pangulong Arroyo ang nasabing panukalang batas upang ito ay maging ganap na batas. Ito ay dapat na mailimbag sa dalawang nasyunal na pahayagan upang maipaalam sa lahat na RSU na tayo,” paliwanag ni Dr. Jeter S. Sespeñe, Pangulo ng Romblon State College.
“Sa Oktubre, sa pagsisimula ng ikalawang Semestre ay magiging ganap ng Unibersidad ang RSC,” dugtong pa niya.

Mga dapat Isaalang-alang

“Syempre, kasabay ng pagiging unibersidad ng RSC ay nakikinita na natin ang pagdaragdag ng mga kurso,” masayang pahayag ni Dr. Jeter S. Sespeñe. Tinitingnan na rin ang mga posibilidad ng pagkakaroon ng mga kursong abogasya, nursing at ang higit na pagpapaunlad ng mga kursong nauukol sa Agrikultura.

Subalit kapalit ng pagbabagong iyon ay dobleng trabaho at pagpupursige para sa mga taga RSC upang maipatulad ang kasuduan o MOA. Sa probisyong nakasaad sa liham ng CHED kay Senador Mar Roxas, nakasaad na “maaaring bawiin ang pagiging unibersidad sakaling di masunod ang mga requirements na sa kasunduan upang mapanaitili ang university status.”

Ayon naman kay Dr. Sespeñe, patungkol sa pagbuwag ng mga satellite campus na nakakalat sa lalawigan kanyang ipinahayag na “Hindi naman tuluyang bubuwagin ang satellite campuses. Sa makatuwdid ay magiging ekstensyon na lamang ito ng Main Campus kung saan magtatalaga ng natatanging field of study. Halimbawa ay gagawing College of Fisheries ang Sta. Maria o di kaya’y College of Agriculture ang San Andres. Nangangahulugan lamang ito na tanging kursong nauukol sa Fisheries o Agriculture ang matitira sa mga nasabing extension campus.

Tunay ngang maraming pagbabago ang magaganap sa pagkakaroon ng kumbersyon. Subalit higit sa mga pagbabagong ito ay ang pagsibol ng isang unibersidad sa kasaysayan ng mga Romblomanon.■

0 comments:

Yellow Puppies Blogger Template | Template Design | Elque 2008