Dr. Sespeñe, muling itinalagang Pangulo ng RSC; Pamunuan nahaharap sa samu't saring isyu
Ni Abbygail M. Jaylo
“Masaya ako dahil sa binigyan ako ng ikalawang pagkakataon upang patuloy kong maipakita ang tapat kong serbisyo para sa Romblon State College, sa mga mag-aaral at sa mga guro.”
Bilang pagkilala sa mga nagawang proyekto ni Dr. Jeter S. Sespeñe sa pagpapaunlad ng RSC, siya ay binigyang muli ng ng isa pang termino ng RSC Board of Trustees (BOT) na makapaglingkod bilang Presidente ng Kolehiyo hanggang 2013.
Matatandaang ipinagpaliban ng RSC BOT ang usapin tungkol sa reappointment ni Dr. Sespeñe noong nakaraang Mayo dahil na rin sa direktibang inilabas ng Commission on Higher Education (CHED) na kailangan munang suriin ang mga nagawa ng mga SUC President alinsunod sa kanilang Ten Point Agenda bago sila pagkalooban ng isa pang termino. Ang isang termino ng SUC President ay apat na taon. Sa kaso ni Dr. Sespeñe, ang panrehiyong opisina ng CHED ang siyang naatasang sumuri ng kanyang mga nagawa para sa Kolehiyo sa loob ng nakalipas na halos apat na taon.
Ayon sa Republic Act 8292 o ang Higher Modernization Act of 1997, “In case the incumbent is eligible and qualified per standards set by the governing board (GB) for re-appointment, no search is needed to be conducted at the discretion of the GB. The GB may prescribe the terms and conditions under which the discretion may be exercised such as, but not limited to an evaluation of the performance of the incumbent.”
Noong ika-24 ng Hulyo ng taong ito, isang espesyal na pagpupulong ang ipinatawag ng RSC BOT para sa nabinbing usapin ng reappointment. Dito iprenesenta ng CHED Evaluation Committee ang resulta ng kanilang pagsusuri. Sa 11-pahinang ulat ni Gng. Teotecia C. Taguibao, OIC-Director ng CHED IV-B MIMAROPA, nakasaad na sa apat na taong panunungkulan ni Dr. Sespeñe bilang pangulo ng kolehiyo, mahusay niyang naipatupad ang halos lahat ng mga aytem sa kaniyang Ten Point Agenda.
Samakatuwid, malakas at positibo ang rekomendaysong ibinigay ng Komite na pinangungunahan ni Dr. Taguibao. Kasama dito sina Dr. Dominador P. Peralta, Director IV at Dr. Julieta M. Paras, Education Supervisor II na kapwa mula sa CHED IV-A (CALABARZON).
Sa muling pagkakaluklok ni Dr. Sespeñe bilang Pangulo ng RSC, una sa kanyang mga plano ang pagpapaunlad ng paaralan na malapit ng maging Romblon State University. Bibigyan daw niya ng malaking pansin ang mga Faculty Development Program nang sa ganoon ay mapanatili at mapataas ang antas ng edukasyon at mabigyan ng de-kalidad na edukasyon ang mga kabataang Romblomanon. Tututukan niya rin ang pagpapasaayos ng mga gusali, imprastruktura at mga kinakailangang pasilidad upang maging komportable ang mga estudyante, mga empleyado at mga guro.
Pagtutuunan din daw niya ng pansin ang mga scholarship programs para sa mga matatalino ngunit mahihirap na mga estudyante. Bukod pa dito, nabanggit din ng Pangulo ang nararapat na pagpapanatili at pagpapabuti ng passing percentage ng kolehiyo sa mga government board examination. Hindi naman mawawala sa plano ang pagdaragdag ng mga bagong kurso tulad ng BS Marine Transportation, Criminology, at mga kursong pang- entreprenyur.
Ang Mga Isyu
Halos kasabay naman ng kanyang reappointment ay ang paglabasan ng mga sari-saring isyu laban sa Pangulo, dahilan upang bigyan ng bahid pulitika ang mga isyung ito. Nariyan ang character assassination na nagsimula sa Romblon Post, isang forum sa internet. Sinagot ni Dr. Sespeñe ang mga isyung kumalat sa forum sa pamamagitan ng isang lokal na pahayagan, ang Romblon Sun. Doon, mariin niyang itinuro si Dr. Alexander F. Formento, ang kanyang Vice President for Research, Extension na siya diumanong nagpapakalat ng mga paninira laban sa kanya. Dito nagsimula ang sigalot sa pagitan ng dalawang lider.
Kamakailan nga ay naging headline ng Romblon Sun, ang pagsampa ni Dr. Formento ng anim na magkakahiwalay na kaso sa Ombudsman laban sa nareappoint na Pangulo. Mayroong paglabag daw ang Pangulo sa ilang mga batas gaya ng Anti-Graft and Corruption, Procurement Act, Code of Conduct of Public Employees, malversation of Public Funds, at pagpalsipika ng pampublikong dokumento.
Nananatili namang tikom ang bibig ng Pangulo tungkol sa nasabing mga kaso. Wala pa raw siyang natatanggap na subpoena mula sa Ombudsman. Nauna umano ang paglalathala ng Rsun ng mga isyu tungkol sa kanya nang hindi man lamang hinihingi ang kanyang panig, dahilan upang magkaroon ng mga kuwestiyon sa kanyang pamamahala. Sinabi pa niya na bahala na ang Korte sa pagpapalabas ng katotohanan.■
0 comments:
Post a Comment