Pres. Sespeñe kinasuhan ni VP Formento
Ni Jeofel m. Almoheda
Dahil sa patong-patong na anomalyang kinasasangkutan diumano ni Dr. Jeter S. Sespeñe, pangulo ng Romblon State College (RSC), anim na magkakahiwalay na kasong kriminal at administratibo ang isinampa laban sa kanya sa tanggapan ng Ombudsman sa Maynila noong Setyembre 4, 2009.
Ang naghain ng reklamo kontra sa Pangulo ay si Dr. Alexander F. Formento, ang Vice President for Research, Development and Extension ng kolehiyo. Ang reklamo ay hinggil sa maanomalyang mga transaksyon at proyektong iniuugnay sa Pangulo.
Batay sa nakuhang kopya ng Sworn Complaint, ang unang kaso ay ang paglabag diumano sa RA 3019 o ang Anti-Graft and Corruption Practices Act at paglabag sa itinadhana ng RA 9184 o ang Government Procurement Reform Act. Ito ay hinggil sa kaduda-dudang pagbili ng segunda-manong school bus sa presyong P1,272,000.00 sa halip na bagong bus ayon sa naaprubahan ng Board of Trustees (BOT). Base parin sa demanda ni Formento, ang halaga ng nabiling bus sa Donghae Corporation ay P950,000 lamang umano kung kaya’t labis ang ibinayad o overpriced ang pagkabili sa nasabing sasakyan maliban sa wala rin umanong naganap na kompetibong public bidding.
Sa panayam ng The Harrow (TH) kay Dr. Formento noong Set. 25, idinagdag niyang nang minsang gamitin ang bus, ito’y tumirik sa kahabaan ng Brgy. Rizal. Delikado aniya ang mga ganoong pangyayari dahil paano na lamang kung sakaling sa field trip ng mga estudyante mangyari ang ganoon at magkataong nasa paanan ng Baguio City?
Nang kunin naman ng TH ang panig ni Dr. Sespeñe, sinabi niyang ang pagbili ng bus ay tugma sa resolusyong ipinasa ng dating pamunuan ng SSC at FSSC na ang Pangulo pa’y si Mark Alegre, at ang transakyon ay pumapabor sa mga estudyante at kolehiyo. Ipinahiwatig din niyang walang anomalyang naganap sa transaksyong iyon taliwas sa paratang ni Formento.
Ang Lima pang Maiinit na mga Kaso
Paglabag naman sa Section 3 (e) ng RA 3019 at probisyon ng RA 9184 ang ikalawang kaso laban sa Pangulo. Ito ay kaugnay sa umano’y kwestyunableng pamimili ng kagamitan para sa Banana Tissue Culture Laboratory Project ng RSC. Tanging canvassing at hindi sa pamamagitan ng public bidding umano dumaan ang transaksyon. Idinagdag din ang kaduda-dudang pagkapanalo umano ng CORE Scientific Industries sa canvassing sa halagang P1,180,698 samantalang ang presyong inialok ng SPC Company na kasali rin sa canvass ay P1,125,555 lamang. May mga paunang-bayad din umano ang RSC ayon sa O.R. No. 5662 kahit na walang pahintulot sa Opisina ng Pangulo ng Pilipinas ayon na rin sa itinadhana ng Seksyon 88 ng Presidential Decree 1445.
Ang ikatlong kaso ay kaugnay sa nabiling 115 ektaryang lupa ng RSC sa Barangay Agpudlos, San Andres sa pamilya Martinez. Ayon sa reklamo, si Dr. Sespeñe diumano ang personal na nangasiwa sa transaksyon at nagkaroon ng 1.8 at 3 ektaryang lupa roon ang Pangulo at ang kanyang biyenan pagkatapos ang bayaran ng lupa ng RSC. Ayon sa reklamo, paglabag sa Seksyon 3 (e) ng RA 3019 ang pagtanggap ng Pangulo ng direktang benipisyo galing sa lupa ng mga Martinez.
Pagpalsipika ng mga dokumento (falsification of public document) ng isang opisyal ng gobyerno naman ang ika-apat na kakaharaping kaso ni Dr. Sespeñe sa Ombudsman kung sakaling ang reklamo ay mapag-alamang prima facie. Batay pa rin sa reklamo, namahagi ang Presidente ng Office Order No. 3-B series of 2008 na may petsang Hunyo 26, 2008 samantalang ang totoo umano’y kakagawa lamang ng order salungat sa petsang nakasaad. Ang nasabing order ay nag-uutos na magbuo ng isang Bids and Awards Committee para sa RSC.
Idinagdag pa na ang order ay ginamit daw na pansuportang dokumento sa isinagawang ebalwasyon ng Commission on Higher Education (CHED) Evaluation Committee sa performance ni Dr. Sespeñe bilang Presidente na sa kalauna’y itinalagang muli bilang pangulo noong Hulyo 24 ayon sa malakas at walang-tutol (unanimous) sulat-rekomendasyon ng CHED noong Hulyo 21.
Ikalimang kaso na inihabla laban sa Pangulo ay tungkol sa paglabag daw nito sa Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees. Ayon sa reklamo, sinuway umano ni Dr. Sespeñe ang pamantayan at tamang asal bilang isang opisyal ng publiko nang siya’y hindi umano nagdahan-dahan sa pagsasabing ‘Saan napunta ang pera?’ na ang tila kinukwestiyon ay si Dr. Formento noong kapanayamin ng pahayagang RSun hinggil sa isyung pagbagsak ng RSC Cooperative sa pamamahala raw ni Dr. Formento. ‘…his cause to be published were calculated to induce the readers to suppose and understand that I am guilty of certain offenses…’ ayon sa bahagi ng reklamo ng huli.
Ang huling kaso ay batay sa Annual Audit Report ng Commission on Audit (COA) of 2007 na inilabas noong Pebrero 2006 at sa COA Report 2008 na inilabas noong Oktubre 20, 2006 para sa RSC na kung saan ay may nilabag umanong PD 1445 o Malversation of Public Funds at RA 9184 o ang Government Procurement Reform Act.
Ano ba ang iyong motibo?
May direktibang ibinigay si Dr. Sespeñe kay Dr. Formento base sa Memorandum No. 319, S. 2009 para ipaliwanag ang intensyon o motibo ng huli sa paghahain ng kaso sa Ombudsman laban sa una.
Ayon sa nakuhang kopya ng TH sa sagot ni Dr. Formento, kanyang sinabi na ‘The intention in filing the case against the RSC President with the Office of the Ombudsman is summarized as: In paramount interest of transparency, accountability, good governance, and justice for all. That is the constitutional responsibility of every citizen of this democratic country.’
‘My office is always transparent.’
Isa lamang ito sa mga pahayag ni Dr. Sespeñe sa pangkalahatang komperensiya ng RSC faculty and staff noong Set. 23, 2009 na ginanap sa bahay-aklatan ng kolehiyo. Tinukoy niya rito ang mga akusasyon ni Formento. ‘And I know, there are seven dwarves here who are against me…’ na ang tinutumbok naman ay ang iba pang mga kasamahan daw ni Formento sa paglabas ng mga alegasyong nakasisira sa pagkatao ng Pangulo, sa integridad ng kanyang pamilya at maging sa imahe ng RSC.
Kapansin-pansin din ang hindi pagdalo ni Dr. Formento sa nasabing komperensya kung saan ay may mga patama ang Pangulo tungkol sa mga kasong isinampa laban sa kanya. Nang tanungin naman ng publikasyong ito si Dr. Formento kung bakit wala siya sa komperensya, sinabi niyang pinaunlakan niya ang naunang paanyaya (Set. 14) ng RNHS para sa STEP Competition sa hayskul sa halip na sa sulat-pabatid na ipinadala lamang noong araw din mismo ng komperensya (Set. 23).
Naging madamdamin ang Pangulo sa mga oras na iyon at nagsalita rin siya hinggil sa paglimbag ng mga balita sa diyaryo na hindi man lang kinuha ang kanyang panig kung kaya’t nagkaroon ng media judgment and conviction. At sa huli’y sinabi niyang ‘Nangyari na yan. Let’s face the reality. I am open to that.’
Samantala, nang mainterbyu ng TH si Dr. Sespeñe noong Set. 24, sinabi niyang hindi pa siya nakakatanggap ng subpoena mula sa opisina ng Ombudsman kung kaya’t hindi pa siya makakapagbigay ng pormal na pahayag hinggil sa mga naturang kaso.
Idiniin din ng Pangulo na bakit hindi muna sa Grievance Machinery inilagak at pag-usapan ang anumang gusot sa loob ng institusyon imbes na deretsahang ihatid sa Ombudsman. Isa pa’y papaano umanong magkakaroon ng anomalya sa bawat transakyon gayong wala naman siyang natatanggap na reklamo o puna mula sa awditor ng kolehiyo. Nabanggit din niya na dapat iukol ang nararapat na respeto at paggalang para sa isang may awtoridad na kagaya niya.
‘I am respecting him as my superior’
Ito naman ang naging tugon ni Dr. Formento sa panayam ng TH sa kanya, “I have no grievance with anybody. Grievance bang matatawag na gusto mong malaman ang truth beyond these issues? Tsaka hindi ‘yan sakop ng grievance machinery dahil ang dinadala diyan ay tungkol sa employment, promotion, condition of workers in workplace at quarrel of employees or employer to employees. Hindi naman kami nag-aaway. Pag nagsampa ka ng kaso with evidence, is that an indication that I am disrespectful? Now, I am giving him a chance in court to prove that these issues are not true.’
Kamusta ang RSC?
“Salungat sa sinasabing ang isyu at kasong isinampa ay nakasisira sa imahe ng RSC, ang aksyong tulad ng ganito ay makakabuti sa ating kolehiyo in the long run. Makakabuti dahil tiyak magsisilbi itong babala sa mga kinauukulan upang sa malinis at maayos na pamamaraan, at ayon din sa itinakda ng batas at alituntunin tumakbo ang ating kolehiyo.” ang huling pahayag ni Dr. Formento.■
2 comments:
tama ...
babala sa sino mang gagawa ng mali sa pamumuno ng isang institusyong dapat mataas ang moral...
KUNG ganito ang iniwang kalat ni jeter sespene sa RSC/RSU... ano ang ibubuting dulot ng pagiging bagong presidente ng PSU (Palawan State University)?
Post a Comment