RSC R&D Management paper, poster wagi sa nat'l contest
Ni Jeofel m. Almoheda
Nakamit ng mga mananaliksik ng Romblon State College (RSC) ang grandiyosong WC Medrano Award para sa Best R&D Management Paper at Poster na ginanap sa ika-19 na kombensiyon ng prestihiyosong Philippine Association of Research Managers (PHILARM) noong ika-21-24, 2009 sa Megrande Ocean Resort, Talomo, Davao City.
Ang WC Medrano Award para sa papel at poster ng RSC ay ang kauna-unahang napagwagian ng kolehiyo sa antas nasyonal sa larangan ng riserts na naghatid ng mataas na puntos para sa institusyon. Ang PHILARM ay isa sa mga pinakamalaking asosasyon ng mga mananaliksik sa bansa.
Ang nagwaging papel ay may pamagat na “Research Capability Building – A Strategy to Promote Research Culture in the SUCs and Countryside Development: The RSC Experience” kung saan ang pangunahing awtor ay si Dr. Merian Catajay-Mani, RSC Director for Research, kasama sina Eddie Fetalvero, IBA Research Coordinator; Lou Foja, RSC Director for Budget and Finance; at Dr. Alexander Formento, VP for Research, Development and Extension.
Kasama rin si Dr. Mario A. Fetalver, Jr., Dekano ng IPSTED, sa mga mananaliksik ng RSC na nagprisinta. Ang kanyang papel ay may pamagat na “Determinants of Strengthened Research Capability and Fostered Research Culture in State Higher Education Institutions in the Region”.
Eksperto at batikan sa pananaliksik ang mayorya sa mga awtor ng competing papers sa PHILARM ngunit umangat ang papel mula sa RSC. Napili ito sa unang tatlo at sa kalauna’y napili bilang Best R&D Paper at Poster ng taon . Ang papel ay iprinisinta ni Dr. Mani at ang poster naman ay iprinisinta ni G. Fetalvero. Nilalaman ng papel at poster ang karanasan ng RSC sa aspetong pananaliksik mula 1980 hanggang 2007 at ang mga hakbanging ginawa upang mapalakas ang kultura ng pananaliksik sa kolehiyo.
Pagbabalik-tanaw sa RSC-RDE
Sa pagrerepaso ng mga lumang papel ng RSC RDE Unit mula 1980, napag-alamang tanging agrikultura ang pokus ng mga research papers dito, wala ni isa mang puntos ang naitala ng kolehiyo para sa RD, papalit-palit ang lider sa yunit at kakaunti lamang ang mga aktibong mananaliksik ng kolehiyo. Isa pang pangunahing problema na kinaharap noon ay ang kakaunting aktibong researchers at kapos na pondo.
Ito ang humimok at nagpasigla sa RD Unit upang mag-environmental scanning. Layunin nito ang makapagpalitaw ng mga mahuhusay na mananaliksik sa kolehiyo kapwa sa main at satellite campuses. Naging daan din ito upang makapaglatag ng aakmang sistema para sa yunit, mapalawak ang tema ng mga panukalang papel at upang makakalap ng sapat na pondo.
Kaya upang mapalago at maitaguyod ang kultura ng pananaliksik sa kolehiyo, sinimulang makipag-ugnayan at manalamin ng RSC sa iba’t-ibang SUCs na may matibay na pundasyon sa riserts. Ilan sa mga tumulong ay ang Southern Tagalog Agriculture Research Resource Development (STARRDEC), PHILARM, at CHED-UPLB-Zonal Research Center. Kasabay nito ang interbensiyon sa kolehiyo at pagsasagawa ng mga hakbanging tatasa sa pagsulong ng RSC RDE. At unti-unting sinimulan ang inkulturasyon para sa kompetibong mananaliksik.
Ang Nat’l Environmental Summit at ang IBA Research Symposium
Ang kauna-unahang inisyatibo bilang sagot sa hamon ng pag-angat ng antas ng riserts ay sinimulan ng RDE Unit sa pamamagitan ng pag-isponsor ng mapanghamon at kauna-unahang National Environmental Summit na hinawakan at inorganisa noong nakaraang taon. Dinaluhan ito ng mga interesado at mananaliksik mula sa iba’t ibang SUCs at ahensya ng gobyerno. Sa puntong ito’y nagkaroon ng kauna-unahang anim na puntos ang kolehiyo sa R&D. Dito rin ang unang pagkakataong maparangalan ang RSC ng Best Paper. Ang nagwaging papel ay may pamagat na “Validation of Instructional Materials for Environmental Education” ni Dr. Merian Mani.
Pagkaraan nito ay nagsagawa naman ang Institute of Business and Accountancy (IBA) ng Research Symposium noong October 6, 2008. Matagumpay itong naidaos sa pakikipagtulungan ng RSC RDEC. Nagbukas din ito ng mas malaki at malapad na pinto para sa kolehiyo. Lumutang dito ang mga mahuhusay na papel at magagaling na mananaliksik ng kolehiyo gaya ng kay Dr. Mario A. Fetalver na may pamagat na “Proposed Research Program for Institutional Development” at ang papel ni Engr. Jayson F. Rufon na “Eligibilty and Employability of RSC Civil Engineering Graduates from 2001-2007”.
RSC sa Global na Kumbensyon
Lumawak na ang tinatahak ng kolehiyo at maging ang mga Internationsl Convention ay ‘di pinalampas. Ang una ay ang International Women’s Conference na inisponsoran ng Theresian International sa Bangkok, Thailand. Dinaluhan ito ni Dr. Merian Mani at siya rin’y nagprisinta ng kanyang papel na may pamagat na “Plight of Filipino Women in the Rural Community”.
Ang research poster naman ni G. Eddie Fetalvero na may pamagat na “Environmental Education Integration through Assesment tasks and Rubrics” ang kanyang iprinisinta sa International Conference on Science and Math Education sa UP NISMED.
Ngayong Oktubre, magpiprisinta rin si Dr. Mani sa Middle East ng kanyang papel na may pamagat na “Women Across Culture: Finding Frontiers for Establishment, Reinforcement and Improvement of Family”.
Naniniwala ang pamilyang RSC RDE na magpapatuloy ang oportunidad na makapagpresenta hindi lang sa loob ng bansa kundi maging sa buong mundo.
Wagi ang RSC-RDE ngayon
Ang dating kimi at tahimik na RSC RDE ay unti-unting nagkakumpiyansa at nakilala ng iba pang SUCs at NGOs. Nakapagtaguyod ito ng mapanghikayat at interesanteng atmospera’t kultura para sa pananaliksik.
Kung noon’y kapos na kapos ang pondo ng RSC RDE, ngayon’y milyones ang pondong nakalaan para sa mga mahuhusay na mananaliksik ng kolehiyo. Ilan dito ay ang P7M mula sa National Economic Development Authority (NEDA), P6M galing sa PCARRD, P3M mula sa Department of Agriculture at ang P2M galing sa FIDA maliban pa sa libu-libong pondo galing sa iba pang ahensya ng gobyerno gaya ng DTI, DOST at at maging mula sa Congressional Development Fund.
Naging epektibo ang Research Capability Building na isinagawa ng kolehiyo sa masipag at magaling na pamumuno ng RSC Research Director na si Dr. Merian Catajay-Mani. Ang pag-iistimula sa mga bibihirang manaliksik at ang pagtaguyod ng linkaging, mentoring at patuloy na programa para masustina ang momentum ng pananaliksik sa kolehiyo ay naging epektibo.
Sa panayam ng The Harrow kay Dr. Mani, isa sa mga idiniin niya ay ang walang-kaimbutang pagbabahagi ng mga natatanging kaalaman at kasanayan sa pananaliksik para sa mga may potensyal. Mahalaga rin ang pagkakaroon ng competent staff at ang sapat na pondo para sa yunit.
RSC, modelo para sa ibang SUCs na mahina ang R&D Unit
Ang karanasan ng RSC sa kanyang pagtahak sa mapanghamong daan ng pananaliksik at ang mga hakbanging isinagawa upang mapalakas at maitaguyod ang de-kalidad na programa para sa R&D ay hindi naganap sa loob ng isang gabing proseso. “Napakahalaga ng collective efforts,” ayon kay Dr. Mani.
Pinaplano rin ng CHED na gawing modelo ang karanasan at hakbanging ginawa ng Romblon State College upang maiangat ang antas ng research ng ilang SUCs na may mahinang RDE Unit. Ang karanasang ito ang naging tuntungan upang maparangalan ang mga RSC researcher ng prestihiyosong WC Medrano Award. “Do not settle for less, always settle for excellence,” pagwawakas ni Dr. Mani, PHILARM awardee.■
1 comments:
Educational posters are eye-catching, and they are an excellent way to communicate with a large group of people.
Post a Comment