Kung Bakit Patok si Santino
Ni Edg Bea Ferrera at Keycel Fejer
“Santino” isa lamang iyan sa mga pangalang sikat sa kasalukuyan na ating napapanood tuwing Lunes hanggang Biyernes ng gabi sa teleseryeng “May Bukas Pa” ng ABS-CBN.
Zaijian Jaranilla ang totoong pangalan ng ating bida, walong taong gulang at tubong Amoingon, Boac, Marinduque. Bago pa siya madiskubre at mabigyan ng malaking break ay atin muna siyang nasulyapan sa mga patalastas ng Lactum at Mc Donald’s. Gumanap din siya bilang munting John Pratts sa programang “Tiny Tony” sa parehong network.
Sa “May Bukas Pa” siya ay binansagang “the miracle boy” dahil sa kanyang talentong manggamot ng mga may sakit at abilidad na makipag-usap kay Bro (Jesus). Bilang Santino, marami ang humanga sa kanyang drama at komedya kaya’t tinagurian siyang Niño Muhlach ng bagong henerasyon. Namamayagpag ang kanyang programa bilang nangungunang teleserye sa prime time. Napapanatili nito ang mahigit 40% audience share sa buong bansa simula nang ito ay umere. Patok sa panlasa ng mga matatanda, kabataan, mga bata at kapwa artista dahil sa karismang taglay. Dahil dito, ang planong dalawang buwan na pag-ere ng kanyang palabas ay binigyan pa ng ekstensyong limang buwan. Ito ay dahil sa hiling na rin ng mga manonood sa loob at labas ng bansa.
Ayon sa kanila, kakaiba sa lahat ang istorya ni Santino dahil pang noypi talaga ang dating nito kumpara sa mga Koreanovela at Mexicanovela. Maliban sa galing ng mga tauhan, agaw-pansin din ang mga mahimalang tema ng bawat kuwento.
Kung ating babalikan ang kasaysayan ang mga manankop na Espanyol ang nagpalaganap ng Kristyanismo sa buong kapuluan. Naging parte na ng pananampalataya ng mga Pilipino ang paniniwala sa mga himala at pagiging madasalin sa lahat ng oras. Sa kabilang banda, natatalakay din ang isyung panlipunan at pampulitika na kung ihahambing sa realidad ay hindi nagkakalayo sa nangyayari o maaring mangyari. Sa madaling salita, maraming tao ang nakakasakay sa palabas na ito. Na kung mayroon nga lang isang tao, bata man, na makakatulong upang magbago at maging maayos ang isang lipunan ay tunay ngang may bukas pa. Ang programa ay nagbibigay inspirasyon sa mga tao at sa lipunan. Nagpapaalala din ito sa magagandang gawi, tradisyon at kultura nating mga kayumanggi. Tinatangkalik ng mga tao si Santino dahil siya’y bakas ng ating pagkamakabayang Pilipino.
Maraming nakakapansin sa kainosentehan ng batang si Santino. Ito marahil ang wala sa ibang mga batang artistang dumaan na pilit pinag-iisip matanda ng mga direktor upang makakuha ng atensiyon o di kaya ay magiging dahilan ng katatawanan kagaya na lang nina Niño Muhlach at Aiza Seguerra.
Sa isang maikling palitan ng kasipan kay Monseigneur Ernie Fetalino ng Odiongan Catholic Church, marami kaming napagtanto sa katauhan ni Santino. Ayon sa pari, si Santino ay maihahalintulad sa Diyos Anak na marami ring naitulong sa mga taong nakapaligid sa Kanya sa tulong at payo ng Diyos Ama. Ang Diyos Anak ay parang si Santino, at ang diyos Ama ay si Bro. Ang mga bagay at aral na kanyang ibinabahagi sa iba ay galing sa mga salita ni Bro at si Santino lamang ang tagasunod sa mga nais Niya.
Ayon pa sa kura paruko, ang mga sitwasyon sa palabas ay nagdudulot ng positibong reaksiyon sa simbahang Katoliko. Nakatutulong daw ito na ipakita sa sambayanan ang kahalagahan ng pagdarasal sa Diyos. Ang pagpapakita ni Santino ng kabutihan sa mga taong alam niyang masama sa kanya ay nagbibigay-daan para gumaan ang loob ng taong iyon sa kanya. Ito ay isang kahanga-hangang karakter. Ang magandang persona ni Santino ay naging popular kaya maraming bata ang humahanga at ngayo’y gumagaya sa kanya. Ang batang aktor ay natural kung umarte kaya mas madali niyang nahihikayat ang mga manonoood na panoorin ang “May Bukas Pa”.
Patok ba si Santino sa mga taga RSC? May ilan na nagsabing oo, dahil sa karisma niya. Ang ilan naman ay humanga sa kanyang drama na talagang nagpapaiyak din ng mga taong sumusubaybay sa palabas niya. May iba naman na naiinggit, dahil nakakausap niya si Bro. Karamihan ay hindi nanonood dahil sa walang ABS-CBN channel sa kanila, pero kilala si Santino dahil na rin sa nauusong ‘Salamat Bro’.
0 comments:
Post a Comment