Wednesday, September 30, 2009

Mga Nakakakilabot na Banta ng Climate Change

Ni Christian Mortel


Nakakalito ang panahon. Mainit tapos ay biglang uulan. Tag-araw pero mukhang napaaga ang pagpaparamdam ng tag-ulan. Ilan lamang ito sa sinasabing mga sintomas ng pagbabago ng klima o climate change.

Ano ang climate change?

Ang climate change ay ang pinakaseryosong banta na hinaharap ng mundo ngayon. Ramdam na pati sa Pilipinas ang mga nakababahalang palatandaan nito. Nararanasan ang tagtuyot sa panahon ng tag-ulan; dumarating ang bagyo kahit tag-init. Tumataas na rin ang tubig-dagat na sanhi ng pagkatunaw ng yelo sa Siberia at Antartika dahil na rin sa pagtaas ng pandaigdigang temperatura. Dahil dito, nalalagay sa peligro ang buhay ng milyun-milyong sangkatauhan.

Ano ang sanhi nito?

Ang init mula sa araw ay tumatama sa tubig at lupa. Ngunit kung gabi ang init na ito ay pinapakawalan ng tubig at lupa upang makalabas sa ating mundo. Ito dapat ang normal na mekanismo. Ngunit nang naimbento ang steam engine at nagsimula ang industriyalisasyon, natutong gumamit ng coal, langis at iba pang fossil fuels ang mga tao upang makatakbo ang planta ng kuryente. Carbon dioxide ang pangunahing gas na ibinubuga ng mga plantang ito dahil sa pagsunog ng uling. Ang carbon dioxide, water vapor, methane at iba pa ay ilan lamang sa mga tinatawag na greenhouse gases. Ang greenhouse gases ay grupo ng substances na humaharang sa init (heat waves) upang makalabas sa mundo. Kapag mas marami ang konsentrasyon nito sa himpapawid, malakas din ang pagharang nito sa init na dapat ay maka-eskapo. Resulta, umiinit ang mundo. Ito ang tinatawag na greenhouse effect. Kapag uminit ang mundo, mabilis ang evaporation sa mga anyong tubig. Ito ang gumagatong upang mabuo ang mga bagyo. Sa dami ng tubig na nag-evaporate, ganito rin kadami ang magpiprecipitate o magiging ulan na karaniwan ay hinihigop ng mga bagyo. Kaya pagsampa ng bagyo sa lupa, inaasahan lagi ang malakas na pag-ulan at pagbaha.

Inihahalintulad ng mga siyentipiko ang greenhouse effect sa isang kotseng nakabilad sa initan. Kapag pinasok mo ito ay mararamdaman mo ang kakaibang init dulot ng heat waves o infrared rays. Nakakapasok ang init sa loob ng sasakyan pero natatrap o nakukulong sila ng salamin ng kotse kaya hindi na makalabas. Ang loob ng sasakyan ay kumakatawan sa mundo. Ang salamin sa mga binatana ang greenhouse gases at ang init sa loob ang greenhouse effect.

Maliban sa greenhouse gases, sinasabi ng mga siyentipiko na ang pagnipis ng ozone layer ay nakaragdag din sa pag-init ng panahon. Ang ozone kasi ang sumasala sa mapaminsalang ultraviolet rays ng araw. Subalit dahil sa mga chloroflourocarbons (CFCs) na binubuga ng mga pabrika, binabawasan nito ang bilang ng ozone gases sa himpapawid dahilan upang mas lalong uminit ang mundo. Ang pagbabago ng panahon ay kagagawan na rin daw ng mga tao. Walang habas kung sirain ng mga ito ang kalikasan: pagkalbo ng kagubatan, iresponsableng pagmimina at iba pa. Walang pakialam sa pagtatapon ng basura. At waldas sa paggamit ng enerhiya.

Mga Nakakatakot na Banta

Naniniwala ang mga eksperto na ang climate change ay narito na sa ating panahon. Nararanasan na natin ang extreme weather conditions kagaya ng malawakang forest fires at heat waves, malapugong init, malalakas na bagyo at malahiganteng mga ipo-ipo.

Tinatayang may isang metro ang itataas ng dagat. At sa darating na 30 taon lalapit ng halos isang kilometro ang dalampasigan sa pampang. Ito ang nagkakaisang pag-aaral at pagtataya ng mga siyentipiko sa iba't ibang panig ng mundo. Ang pangyayaring ito ay pandaigdigan. Sa pagtaas ng dagat, lulubog ang maraming maliliit na pulo sa Pasipiko. Ang Maldives, grupo ng mga isla sa Karagatan ng India ay nakakaranas na ng paglubog sa ilan nitong maliliit na mga pulo. Ilang metro lang kasi halos ang taas ng mga ito sa karagatan. Hindi maglalaon, nakikinita rin ang paglubog ng ibang bahagi ng malalaking bansa gaya ng Amerika at Europa. Ang higit na kapinsalaan ay sasaluhin ng mga mahihirap, na ang karamihan ay nasa mga tabing ilog, baybaying dagat at gilid ng mga kabundukan. Ito ngayon ang pinaghahandaan ng buong mundo.

Ayon sa isang Greenpeace advocate, ang climate change ay isang seryosyong banta sa lahat ng bagay na may buhay. Sa ngayon, itinuturing ng ilang eksperto sa kalikasan ang Pilipinas bilang “biodiversity disaster area.” Dahil ito sa mabilis na pagkawala ng mga species ng hayop at halaman. Matatandaang sa Bicol, nabura ang isang buong bayan at naiba ang landscape ng probinsiya dahil sa malalakas na mga bagyo na nagdulot ng pagguho ng lupa. Sa El Nido, Palawan naman natuklasan ang sinasabing coral bleaching sa lugar. Nariyan rin ang permanenteng pagbaha sa lugar ng Malabon. At ito ngang pinakahuli ay ang bagyong Ondoy na nagdala ng sangkaterbang ulan na halos katumbas na ng dapat ay sa isang buwan. Ang malala pa, naibuhos ang lahat ng tubig na ito sa loob lamang ng siyam na oras. Naging iisa ang sigaw ng mga tao, mayaman man o mahirap, may pinag-aralan man o wala. Sa loob ng halos isang araw ang lahat ay naging biktima: nawala ang lahat ng kagamitang ipinundar at marami ang nangamatay. Naging mabagsik din ang pinsala ni Ondoy sa mga bansang Vietnam at Cambodia.

May mga aktibista na naglabas ng kanilang sama ng loob ukol sa isyung pangkalikasan tulad ng pagbabago ng panahon, revival ng Bataan Nuclear Power Plant, malawakang pagmimina, komersiyal na pagtotroso, higanteng mga dam at mga tambakan ng basura na naging elemento kung bakit labis na nararamdaman ang pagbabago ng klima na nagdudulot ng malalang sakuna. Kinondena rin ng mga grupong ito ang kawalan ng batas tungkol sa epektibong disaster management sa mga lokal na pamahalaan.

Climate change sa Romblon

Sa ating probinsya, lubos nang nararamdaman ang pagbabago ng panahon at marami na rin ang talagang naapektuhan lalo na ang mga estudyante at mga propesyunal. Nakakairita ang pagbabago-bago ng klima. Ang masama pa ay nagdudulot ito ng pagkakasakit ng karamihan dahil sa mainit na panahon tapos biglang bubuhos ang ulan at lalamig ulit ang panahon. Nagliban na sa pinapasukan, malaking pera pa ang nagastos para sa gamot.

Maaalalang nagkaroon ng pag-apaw ng tubig sa daan papuntang Canduyong at bandang Budiong dito sa Odiongan noong buwan ng Hunyo dahil sa bagyong Feria. Kasabay ng high tide at malakas na pag-ulan, umapaw ang tubig na galing sa ilog at dagat. Nagsalubong ang dalawa at ang resulta nga ay biglaang pagbaha. Nahirapang dumaan ang mga sasakyan sa hanggang tuhod na baha. Maraming bahay ang naapektuhan. Maging ang mga inuupahang tirahan ng mga estudyante na nag-aaral sa iba’t ibang kolehiyo ay apektado rin. Binaha ang IT Building. Ang palayan ng RSC ay nalubog din. Ganito rin ang nangyari sa bayan ng Looc. Dinaluhong ng rumaragasang baha ang kabayanan na naging dahilan ng pagkasira ng maraming ari-arian. Umabot naman sa kalsada ang mga alon sa bayan ng San Andres. Nasira ang ilang bahagi sea wall.

May magagawa pa ba tayo?

Sa pagtataya, lalamunin ng dagat ang mga mababang lugar sa tuloy-tuloy na pagbabago ng panahon. Sa katunayan kung magpapabaya si G. Henry Sy ay maaaring kakainin ng dagat ang kanyang Mall of Asia sa lungsod ng Pasay. Ito ang dahilan kung bakit patuloy ang malawakang demolisyon sa mga tabing ilog sapagkat nais protektahan ng mga taga MMDA ang mga nakatira roon. Sa planong ito, palalawakin at palalalimin ang mga ilog upang maiwasan ang pagpasok ng tubig sa mga siyudad.

Ayon sa Philippine Information Agency, isang proyekto na pinondohan ng World Bank ang naglalyong matulungan ang mga lokal na komunidad na makabuo ng programa, makagawa ng angkop na mga batas at makapagpatupad ng cost-effective climate change adaptation measures. Ito ay ang "Climate Change: Community Adaptation Project" na iprinisinta ng University of the Philippines Marine Science Institute team sa lalawigan ng Sorsogon. Subalit dahil sa tatlong buwan lamang ang itinalagang panahon para sa first phase ng proyekto, dalawang barangay na muna ang ginawang pilot project sa lalawigan ng Sorsogon. Ito ay gagayahin ng iba pang mga komunidad sa bansa.

Araw-araw na natutunaw ang mga yelo sa hilaga at timog polo ng mundo kaya tuloy-tuloy din ang pagtaas ng mga karagatan. Dahil sa mga bantang ito, kailangan daw tayuan ng halos anim na metrong pader ang mga tabing dagat at taniman ng mga matataas na uri ng bakawan ang mga dalampasigan upang may pansalang sa mga daluyong ng alon tuwing sasapit ang maladelubyong pag-apaw ng tubig dagat.

Sa mga ganitong mga pangyayari makabubuti na mayroon tayong sapat na kaalaman upang maging handa at makatulong sa pag-iingat ng ating kalikasan at pagliligtas sa ating mga buhay. Kinakailangan nating imulat ang ating makakalikasang kaisipan dahil tayo mismo ay direktang apektado.

Ngunit ang mga banta ng climate change ay nararamdaman na. Sa ating sariling pamamaraan, marahil ay makakatulong tayo upang makontrol at hindi na muling maragdagan pa ang greenhouse gases sa himpapawid lalong lalo na ang CO2. Simple, ngunit ang pagtatanim ng mga punongkahoy ay makapagbabawas ng kanilang mga bilang. Alam nating ginagamit ng mga halaman ang CO2 sa photosynthesis. Mas maraming punong itatanim, mas maraming CO2 ang mababawas sa himpapawid. Ang tamang pagtapon ng basura at paggamit muli ng ilang mga bagay ay magiging malaking tulong din. Maging ang paggamit ng mga alternative energy sources ay napapanahon din.

Walang malaking problema sa sama-sama at tulong-tulong na pagligtas sa Inang Kalikasan. Pagkakaisa at dispilina ang magiging panlaban natin sa mga nakakatakot na banta ng climate change.

2 comments:

Anonymous said...

Rocks kuha kayo ng mga striking pics from typhoon Ondoy ha? At pakidagdag pala dyan sa article umabot dinsa Vietnam ang pinsala ng Ondoy. Then isa pang pic ng landslide (St. Bernard sa Leyte ba yun or ung sa Bicol), malalaking alon at disyerto. Dapat yung kakila-kilabot ang dating. Ingat kayo dyan.

From Sir Ed

Anonymous said...

Umabot na rin pala sa Cambodia si Ondoy.

Yellow Puppies Blogger Template | Template Design | Elque 2008