Nakakalungkot isipin na dahil lamang sa isang kapirasong papel at sa ilang grupong mababaw ang kaalaman sa simulain ng CEGP, ito ay nababansagang "breeding ground" ng mga CPP-NPA. Ano ba ang rebelde? Rebelde bang matatawag ang nag-aadhika ng isang bayang tunay na malaya? Rebelde bang matatawag ang mga kabataang ang layunin ay mapukaw ang panlipunang kamalayan ng mga estudyante? Ang puso ng demokrasya ay ang kalayaan sa pamamahayag. Kung ang kalayaang ito ay tatabunan ng mga mala-pantasyang papuri at balita at kokontrolin ng mga awtoridad, ano pa ang halaga nito?
Ano nga ba ang CEGP? Ano ba ang mga simulain nito? Basahin ang kanyang makulay na kasaysayan.
Ang Kasaysayan ng College Editors Guild of the Philippines
(1931-2001)
Sa pagdiriwang ng ika-70 taon ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP), mahalagang balikan ang kasaysayan nito upang paghalawan ng insipirasyon at aral. Ang paggunita sa nakaraan ay pagtingin din nang pagsulong.
Itinatag ang College Editors Guild (CEG) noong Hulyo 25, 1931, mismong kaarawan ni Ernesto Rodriguez Jr., punong patnugot ng National, publikasyon ng National University. Kabilang ang mga pahayagang pangkampus Philippine Collegian (UP Diliman), Varsitarian (University of Santo Tomas) at Guidon (Ateneo de Manila University), layunin nitong pagkaisahin ang lahat ng manunulat pangkampus at linangin ang kanilang kakayahan sa pamamahayag. Nahalal na unang tagapangulo si Wenceslao Vinzons, punong patnugot ng Philippine Collegian.
Tradisyonal na organisasyon ang CEG noon. Eksklusibo ang kasapian sa mga patnugutan ng mga publikasyon. Abala ito sa mga journalism trainings, intercollegiate pageants, relief operations sa mga nasalanta ng kalamidad.
Gayunman, sa maagang bahagi pa lamang ng kasaysayan, makikita na ang potensyal na papel nito sa lipunan. Noong Disyembre 9, 1932, sa pangunguna ni Rodriquez at Vinzons, tinutulan ng mga kabataang manunulat ang panukalang dagdagan ang sweldo ng mga mambabatas sa mababang kapulungan.
Mabilis na lumawak ang kasapian ng CEG. Kinilala ito bilang isa sa mga pinakaprestihiyosong organisasyon ng kabataan. Nagsilbi itong tuntungan ng mga kabataang nagnanais makilala sa larangan ng politika at pamamahayag.
Noong 1941, pansamantalang tumigil ang operasyon ng Guild dulot ng Ikalawang Gyerang Mundyal. Si Vinzons ay sumapi sa HUKBALAHAP at namatay na bayani.
Nanumbalik ang CEGP pagkatapos ng giyera. Naitala noong 1948 ang pakikiisa ng Guild sa mga mamamahayag sa mainstream media. Sinuportahan ng manunulat pangkampus ang strike ng mga empleyado ng Evening News bilang protesta sa pagpapatalsik kay Cipriano Cid at panawagang kilalanin ang Philippine Newspapers Guild.
Pagsapit ng dekada singkwenta, malaki ang naging impluwensya ng makabayang ideya ni Claro M. Recto sa maraming kabataan. Pagsapit ng dekada sisenta, bunsod ng matinding krisis pampolitika at pang-ekonomiya sa panahon ni Marcos at ng lumalakas na kilusang kabataang estrudyante, nagkaroon ng malaking puwang ang progresibong ideya sa loob ng organisasyon.
Hindi naging banayad ang transpormasyon ng CEGP mula sa isang tradisyonal na organisasyon patungo sa pagiging progresibo. Sa katunayan, naging maigting ang pagtatalo sa hanay ng kasapian.
Mananatili bang nyutral ang pamamahayag pangkampus sa panahon ng maigting na paglaban ng mamamayan? Mananatili bang tagapagtala na lamang ng kasaysayan ang mga manunulat o kailangan nang pumanig at makilahok? Ano ang papel ng kabataang mamamahayag sa lipunan? Sa mga katanungang ito uminog ang debate.
Pagsapit ng 1970, lalong tumitimbang ang progresibong oryentasyon ng Guild. Dumaluyong ang kilos protesta sa lansangan. Maraming manunulat pangkampus ang lumahok ang nagpakilos sa mga malakihang mobilisasyon sa panahon ng First Quarter Storm. Hindi iilang Guilders ang naging kasapi ng Kabataang Makabayan.
Tumining ang papel ng pamamahayag pangkampus bilang alternatibong pamamahayag para sa mamamayan. Sa panahon ng paghahari ng crony press, maraming publikasyong pang-estudyante ang nagpapalaganap ng katotohanan sa labas ng kani-kanilang pamantasan. Ang kabulukan ng gobyernong Marcos na hindi nababasa sa mainstream ay isiniwalat ng mga pahayagang pangkampus. Dahil dito, binansagan ni Marcos na mosquito press ang mga publikasyon.
Naglathala rin ng mga rebolusyonaryong artikulo ang mga publikasyong pang-estudyante. Unang lumabas ang Lipunan at Rebolusyong Pilipino sa Philippine Collegian. Nagre-reprint ng mga artikulo mula sa Ang Bayan, opisyal na pahayagan ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang The Bedan (San Beda College), Guidon, Philippine Collegian, Ang Malaya, at iba pa.
Sa Visayas, inilathala ang mga sulatin ni Jose Maria Sison, Renato Constantino Sr., Gary Olivar (lider ng Samahan ng Demokratikong Kabataan) sa Weekly Silimanian (Siliman University), Weekly Carolinian (University of San Carlos), Sambayanan (Western Institute of Technology), Quill (Southwestern University) at marami pang iba.
Sa pagkakahalal ni Antonio Tagamolila bilang pambansang tagapangulo noong 1971, buong pagmamalaki niyang ipinahayag, “Ang pagkakapanalo ng mga progresibo ay magbubunsod ng isang bago, mulat matatag at militanteng CEGP.”
Tuluy-tuloy na ang naging pagkiling ng CEGP sa isyu ng mamamayan. Hindi lamang isyu ng kalayaan sa pamamahayag ang itinaguyod ng Guild bagkus pati patriyotiko at demokratikong interes ng malawak na mamamamayan. Kinondena ang pagpapapain ni Marcos ng mga sundalong Pilipino sa giyera sa Byetnam. Tinutulan ang pakanang Constitutional Convention ni Marcos. Nilabanan ang pandarahas sa mga piketlayn at militarisasyon sa kanayunan.
Masigla ang paglulunsad ng teaching o study circles, social investigation at pakikipamuhay sa mga magsasaka at manggagawa. Sa ganitong konteksto, inangkin ng mga kasapi ng CEGP ang pakikibaka ng mga aping sector ng lipunan.
Nang ipataw ang Batas Militar, idineklarang ilegal ang CEGP. Naipasara ang halos lahat ng publikasyon sa kampus. Sa militanteng paglaban ng kabataang estudyante, nabuksang muli ang Philippine Collegian, Guidon at UPLB Perspective (UP Los Baños). Sumailalim ang mga ito sa pagmamatyag ng militar.
Sa panahon ding ito, nagsulputan ang mga underground student publications sa buong bansa. Naging tangyag ang pasa-bilis. Palihim na binabasa at pinagpapasa-pasahan ang limitadong kopya ng mga publikasyong naka-mimeographed. Matapang na tinuligsa ng mga ito ang lagim ng Batas Militar.
Maraming manunulat pangkampus ang dinampot, ikinulong, tinortyur at pinaslang. Kabilang sa kanila sina Liliosa Hilao at Ditto Sarmiento. Sa lantarang pasistang paghahari ni Marcos, marami ring nagtungo sa kanayunan upang lumahok sa armadong pakikibaka. Ilan sa kanila sina Emmanuel Lacaba (Guidon), Evelyn Pacheco (Torch, PNU) at Lorena Barros (Advocate, FEU).
Sa ikalawang bahagi ng dekada sitenta, muling sumigla ang ligal na pakikibakang masa sa pangunguna ng uring manggagawa. Pumutok ang La Tondeña strike na sinundan ng serye ng welga, boykot at protestang lansangan.
Naging inspirasyon ito sa muling pagtatatag ng CEGP. Itinayo ang Mendiola Association of College Editors (MACE) na nagpasimuno ng First Metro Manila Student Press Congress. Sa sumunod na mga buwan, tumugon din nang buong sigasig ang ibang mga rehiyon sa buong kapuluan. Naganap ito mula 1977 hanggang mailunsad ang 16th National Congress na dinaluhan ng 125 patnugot mula sa 43 publikasyon noong Mayo 1981. Ang tagumpay ng ito ay bunga ng walang humpay na pag-oorganisa sa hanay ng manunulat pangkampus.
Ibayo ring sumigla ang kilusang kabataang estudyante. Puspusang itinaguyod ang mga lehitimong kahilingan ng estudyante. Pinamunuan ng CEGP, kasama ang Youth for National Democracy (YND) at Alyansa Laban sa Pagtaas ng Matrikula (League of Filipino Students ngayon), ang kampanya sa pagpapabukas ng mga pahayagang pangkampus at konseho ng mga mag-aaral at pagtatanghal ng military detachments sa mga kampus.
Tinaguriang Democratic Reform Movement ang pagkilos na ito. Sa mga punong lungsod at lalawigan, kumilos ang mahigit sa 200,000 kabataan. Hindi natinag ang mga estudyante kahit pa karahasan ang isinagot ng gobyerno.
Ilang buwang walang pasok dahil nasa lansangan ang mga estudyante. Napilitan ang gobyernong harapin ang isyu at kilalanin ang mga lehitimong panawagan ng kabataan. Dumagundong ang tagumpay na ito sa buong kapuluuan. Napatunayang sa kolektibong pagkilos at paggigiit ng demokratikong karapatan, makakamtan ang mga makatarungang kahilingan ng kabataan at mamamayan.
Mariin ding kinondena ng CEGP ang mga atake sa kalayaan sa pamamahayag. Ilan dito ay ang pagkakasara ng We Forum at pag-aresto sa mga mamamahayag nito na karamihan ay alumni ng Guild; ang pag-uusisa ng National Intelligence Board sa manunulat ng Women; ang pagpapatalsik sa patnugot ng Tempo na si Recah Trinidad; mga kasong libelo laban kay Domini Suarez at Ceres Doyo at pag-aresto kay Tony Nieva ng Bulletin Today.
Matindi rin ang panunupil sa mga pahayagang pangkampus. Tatlong ulit na niloob ang opisina ng UPCB Outcrop. Binisita ng militar ang tanggapan ng The Work ng Tarlac State College of Technology. Pinatalsik ang mga patnugot ng Collegian ng Central Luzon State University sa rekomendasyon ng militar na nakabase sa Nueva Ecija.
Pagsapit ng 1983, ibayong militansya ang ipinamalas ng kabataan mula nang paslangin si Ninoy Aquino hanggang sa pagbagsak ng diktaduryang Marcos.
Ang pag-aalsa noong 1986 ay nagluklok kay Corazon Aguino bilang bagong pangulo. Tiningnan si Aquino bilang isang pinunong liberal burges. Nalunod sa makitid na demokratikong puwang at nabulid sa pagtataguyod ng reporma ang maraming progresibong organisasyon, kabilang na ang CEGP.
Nanawagan ang CEGP sa pagpapatupad ng isang batas na umano’y magtataguyod ng kapakanan ng mga pahayagang pangkampus. Pinuri ang Republic Act 7079 o Campus Journalism Act bilang “milestone in the history of the campus press.”
Kabaligtaran ang naganap sa aktwal. Naging epektibong instrumento ang CJA ng mga kaaway ng kalayaan sa pamamahayag sa pagsupil sa mga pahayagang pangkampus. Matapos ilabas ang implementing guidelines, naipasara ang Quezonian, White and Blue, Ang Pamantasan, Blue and Silver, at iba pa. Kung susundin ang probisyong nagsasaad na hindi mandatory ang pangongolekta ng publication fee, maipapasara ang halos lahat ng publikasyon kung nanaisin ng administrasyon ng mga pamantasan.
Nakaligtaan ng CEGP ang mga aral ng DRM. Ang kalayaan sa pamamahayag ay isang demokratikong karapatan. Iginigiit ito at ipinaglalaban, hindi ikinukupot sa batas.
Iwinasto ang kamaliang ito sa 1996 National Council Meeting. Dito rin nabuo ang tatlong makatwirang panawagan ng CEGP: (1) Buksan ang lahat ng nakasaradong pahayagan; (2) Magtatag ng mga publikasyon sa mga pamantasan; at (3) Wakasan ang lahat ng porma ng panunupil sa kalayaan sa pamamahayag.
Bukod sa CJA of 1991, may isa pang malubhang pagkakamali ang CEGP noong 1991. mula sa patriotiko at demokratikong oryentasyon ng Guild, binago ito sa pagiging Activist Campus Press. Ang ACP raw ay tinipong mga konsepto at oryentasyon – responsible journalism, radical campus press, alternative campus press, committed campus press. Layunin daw ng ACP na hanapin ng pamamahayag pangkampus ang kanyang sarili bago ito makapag-ambag sa pagbabago ng lipunan. Ipinagkamali nitong maaaring makamtan ang tunay at ganap na kalayaan sa konteksto ng bulok na sisteman panlipunan.
Paglaon nakitang mali ang mismong paghahanap ng bagong oryentasyon. Nasagot na ang mga batayang tanong hinggil sa tamang ugnayan ng pamamahayag pangkampus sa lipunan noon pa lamang 1970.
Nang mailatag nang lubusan ang mga naging kahinaan, puspusan din naman ang naging pagwawasto ng Guild. Nagpanibagong sigla ito sa lahat ng aspeto. Sa ilalim ng gobyerno ni Ramos, aktibo ang CEGP sa paglahok sa mga isyu ng mamamayan. Tinugunan nito mula pagtaas ng matrikula hanggang pagtaas ng presyo ng langis, hanggang dikta ng IMF-Work Bank sa patakarang pang-ekonomiya ng Pilipinas. Samakatuwid, muli nitong isinabuhay ang patriyotiko at demokratikong oryentasyon.
Ang pinakahuling matagumpay na kampayang sinuong ng Guild ay ang pagpapatalsik sa korap, kontra-mamamayan at kaaway ng kalayaan sa pamamahayag na si Joseph Estrada. Isa ang CEGP sa mga unang progresibong organisasyong nanawagan ng pagpapatalsik kay Estrada.
Sa tagal nang itinagal ng CEGP, itinuturing na itong institusyon ng marami. Nananatili itong isa sa mga pinakamalawak at pinakamatatag na organisasyon ng kabataan sa bansa. Magpahanggang ngayon, hindi pa rin ito natitinag dahil sa pagyakap nito sa patriyotiko at demokratikong interes ng kabataan at mamamayan. Lagi’t lagi itong matatagpuan sa pakikibaka ng mamamayan sapagkat paglilingkod ang nasa ubod ng nakaraan at kasalukuyan ng CEGP.
Read more...