Wednesday, August 26, 2009

Ay, sa RSC ka lang?

Ni Jeofel M. Almoheda

Huwag daw nating ila-LANG ang Romblon State College (RSC). Kung hindi ila-lang, eh ano lang? Dapat ba ay bonggang-bongga ang pang-uring gamitin upang ilarawan ang RSC?

Ano ba ang nakakaimpluwensiya sa isipan ng RSCians at bakit marami sa kanila ay minamaliit at ibinabababa ang antas ng kolehiyo sa pagsasabing ‘sa RSC lang’? Ganoon ba kababa ang ebalwasyon ng mga estudyante at gradweyt sa kanilang kolehiyong napasukan at kahit parti sila nito, laging kinakabit ang LANG?

Nagsagawa ng surbey ang publikasyong ito at maging ako’y personal na nagtanung-tanong sa kapwa ko estudyante upang masagot ang mga tanong sa taas. Hindi nakakagulat ang sagot ng mga RSCian, hindi nakapagtataka. Ika nga, inaasahan na. Sana magsilbi itong pang-alis tapaludo sa mata ng mga kinauukulan.

May isang estudyanteng prangkahang sumagot ng ganito: ‘Ang RSC ay paaralan ng mga pobre’. Sa interpretasyon ko’y parang sinasabi niyang walang choice ang mga Romblomanon kundi pagtiyagan ang RSC. Kaya sa mga estudyanteng may klase sa VoAg, habaan pa ng konti ang pisi ng pasensiya kung bumabaha diyan, kung parang magigiba na ang klasrum niyo at kung lagi kayong basa tuwing umuulan. Pagpasensiyahan niyo nalang. Mapapansin din siguro yan ng Admin... Anong malay natin, may tinatasa na pala silang pondo para diyan.

Iisa rin ang lamentasyon ng mga RSCian sa nalalapit na konbersiyon ng RSC, iyon ay kulang na kulang tayo sa pasilidad at kagamitan. Kaya sa mga taga-BSBio Dept., subukan niyong magpapampam sa Admin baka sakaling pansinin at masupply-an ng laboratory instruments ang inyong Bio Lab. Kapalan niyo nalang ang mukha niyo kasi nga naman nakakahiya mag-request sa kanila para magkaroon ng mga kinakailangang chemicals diyan sa Chem. Lab. niyo. Sa mga Accounting students, 1997, 2000 at 2002 edition ang latest na Accounting books sa Library natin kaya sa madaling salita obsolete na iyon. Bumili nalang tayo sa Conanan Bookstore dahil sigurado na sa susunod na sem, may 2010 edition na. Napag-uusapan na rin lang ang tungkol sa mga libro, sana ay mabigyan ng sapat na pondo ang pagbibili ng mga updated na libro! Saan ba napupunta ang binabayad naming Library fee? Sa Rsun at Rtext ba? dahil laging may isyu ng dyaryo pero walang updated na mga libro. Tabi-tabi po, pansinin niyo naman ang Library. Kapos na kapos po talaga ang mga libro, obsolete pa! Akala ko pa naman Distributing Outlet ang RSC ng Rex Bookstore eh bakit salat sa kinakailangang libro ang bahay-AKLATAN natin? Parang hindi na aklatan, parang istakan na ng mga lumang libro. Hmmmpp!

Doon sa mga RSCiang reklamo ng reklamo dahil napipilitang magbaon ng uniform kapag may P.E. class, konting tiis nalang, anong malay natin maisipan nilang bumili ng locker. Ingat sa mga instructor na magpapa-project ng speaker, player at aklat. Siguraduhin niyong hindi kayo naiisahan.
Nasaan na nga pala ang Freedom wall? Amoy represyon at inhibisyon na kaming mga estudyante dahil tila binulsa niyo na ang Freedom Wall. Wala na bang ibang maibulsa?

Bongga na raw ang RSC ngayon. May school bus na, malapit nang maging katunog ng MSU, CPU, DLSU at CEU. Kasi nga diba magiging RSU na tayo? Accredited na rin halos lahat ng kurso rito. Kaya nga lang, nakakahiya ang napabalitang instructor na nanghuhuthot ng kwarta sa mga estudyante. Akala niya siguro’y lumuluwa ng pera mga tatay natin. Buti nalang at naisuka na siya ng RSC. At sa mga instructor, propesor at doctor diyan na tatamad-tamad, uminom po kayo ng Extra Joss para lumakas-lakas at ganahan po kayo sa pagtuturo. Iyong iba diyan, pinapabasa lang sa amin ang photocopies. Hindi nila alam, obvious na tamad silang magturo at nagpapainit lang ng puwet sa kanilang opisina. Ikaw nalang mag-initiate ma’am at sir para lumayas dito. Huwag mo nang hintaying sipain ka ng iskol, mas nakakhiya ‘yon.

Resonable naman sila nang sabihing ‘wag ila-LANG ang RSC’. Tingnan niyo naman, may DWRSC at Water Purifying Station na tayo. Kung nawala man sa ere ang DWRSC, eh baka may technical problem lang. Alam niyo naman, kasinlaki ng kubeta ang Radio Station natin. Buti walang nagkakamaling umihi o tumae don. May photocopy shop na rin dito sa kapitbahay ng TH opis at may RSC Agpudlos Campus na rin tayo. Malawak ang lupain ng RSC doon. Malawak din yata ang nabiling lupa ni sir doon?

Congratulations nga pala kay sir Jet dahil reaapointed siya. Siguradong may mamamatay sa inggit nito. Baka atakihin sa puso ang mga ambisyoso diyang maging presidente. Congratulations din para sa RSC dahil garantisado nang RSU na tayo!

Sa kabilang banda, may rason din naman ang iba kapagka nila-lang ang RSC. Ayaw lang kasi nilang marinig ang LANG dahil nga ka-rhyme nito ang kulang-kulang.

Pero improving ang RSC ngayon ah! Kita niyo naman ang streamer ng mga CPA Board passers na laging mas mataas ang passing rate kumpara sa national rate. Ang mga research breakthrough ng RSC. Ang mga top notchers mula sa IET at maraming Teachers Board passers ng IPSTED. Ito ay malinaw na indikasyon na sa kabila ng tumutulong kisame, parang magigibang klasrum, bahang gate at obsolete na mga libro ay masikap ang mga faculty and staff upang tugunan ang pangangailang pang-edukasyon naming mga RSCian. Na sa likod ng tatamad-tamad at bayarang instructor ay may mga matitiyaga’t matatalinong RSCian na nagpupursigeng makaranas ng natatanging liberalisasyon. Na sa kabila ng isyu tungkol sa kwestiyunableng karakter, nariyan at patuloy na nakikibaka ang RSC para maging ganap na RSU. Siyanawa.

Tayo ay bahagi na ng kolehiyong ito. Anuman ang maging imahe nito, apektado tayo. Kung hanggang ngayon ay nananatili ang istigma ng RSC sex scandal, isipin niyo nalang na may second hand bus tayo! Kung naiinis kayo sa mga guwardiya, isipin niyo nalang na kamukha nila si Jun Pyo! Basta huwag nating kalimutang mahalin ang institusyong ito. Atin ito.

Sa huli, ang lahat ay nakadepende kung paano tayo huhubugin ng kolehiyong ito. Kung paano titimo sa ating isip ang mga nakakadismaya at nakakatawang baga-bagay dito sa kampus. Kung napamahal ito sa atin at kung natamo natin ang de-kalibreng edukasyon, isang mayabang na ‘Sa RSU kami’ ang isasagot natin sa kanilang nagsasabi ng ‘Ay, sa RSC ka lang?’.

1 comments:

Anonymous said...

Hi Joef,

Okay ang tira ah! Laban bawi. Go! Go! RSUng bonggang bongga....

Yellow Puppies Blogger Template | Template Design | Elque 2008